Lalaking humingi ng payo, nataga sa Apayao

Nataga ang lalaking humingi ng payo bandang 9pm ng Nobyembre 21, 2018 sa Taracay, Lenneng, Kabugao, Apayao.
Nakilala ang biktimang si Charlie Alamong Santos, 35 anyos, may-asawa, at magsasaka, habang ang suspek ay kinilalang si Rodrigo Pulingday Imgay, 37 anyos, may-asawa, magsasaka at kapwa residente ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon, bago ang insidente ay nagtungo ang biktima sa bahay ni Gregorio Sabban Imgay, ama ng suspek, upang makipag-inuman. Humingi ng payo ang biktima kay Gregorio tungkol sa problema niya sa asawa niya. Ang suspek na nasa likod lamang ng bahay ay nakialam sa usapan nila. Lumabas ang biktima upang makipag-usap sa suspek subalit biglang tinaga ng suspek ang biktima gamit ang bolo na nagdulot ng pinsala sa kanyang mukha at kamay. Tumakbo ang biktima palayo at humingi ng tulong mula sa mga kapitbahay.
Dinala ng mga rumespondeng personnel ng Kabugao MPS ang biktima sa Apayao District Hospital at naaresto rin ang suspek. Inihahanda na ang mga kinakailangang dokumento upang magpila ng criminal case.

Amianan Balita Ngayon