LUNGSOD NG BAGUIO – Sa kabila ng pagsisikap ng lokal na gobyerno at kapulisan na alisin ang imahe ng karahasan sa Abra ay hindi pa rin natatanggal ang lalawigan mula sa listahan ng election hotspots na binabantayan ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, ang Abra ay kabilang pa rin sa 5,744 election hotspots sa bansa.
“There has always been a history of violence every time there are elections in Abra,” aniya.
Sa mga naunang araw ng pagpila ng kandidatura na nagsimula noong Abril 14, ang kagawad na kinilalang si Victor Pisco ng Barangay Monggok, Pidigan, Abra, ay namatay matapos itong barilin habang paalis ng kaniyang tahanan kasama ang asawang si Elida, incumbent barangay captain.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, si Pisco ay nagpila ng kanyang certificate of candidacy sa parehong araw para sa pagka-punong barangay.
Sinabi ni Albayalde na itinakda ang ilang information dissemination, peace caravans, at dayalogo sa Abra bago ang araw ng halalan upang mabawasan ang karahasan na may kaugnayan sa eleksyon.
Idinagdag ng PNP chief na nagsasagawa rin ang kapulisan ng intelligence works, lalo na sa Abra, upang masolusyunan ang mga tinatawag na “gun-for-hire” operations.
Ayon kay Albayalde, mayroong 5,744 critical election watchlist areas (EWA) o “hotspots” sa buong bansa, 34 dito ay nasa Cordillera Administrative Region.
Ipinaliwanag niya na ang mga “hotspots” na ito ay may maigting na tunggalian sa pulitika na may kasamang pisikal na pananakit, himagsikan at pagpaslang.
Sinabi rin nito na mayroong Special Action Force (SAF) na regular na nakadestino sa Abra maliban sa provincial at municipal police force.
Aniya, ito ay bilang pandagdag para sa mga checkpoints at sa “Oplan Sita” ng PNP, na may kaugnayan sa election gun ban.
Sinabi ni Albayalde na halos 80 porsyento ng kabuuang 190,000 na pulis sa bansa ay ikakalat lalo na sa mga election “hotspots” upang masiguro ang ligtas at payapang halalan ngayong Mayo. P.M.GEMINIANO, PNA / ABN
January 11, 2025
January 11, 2025
January 11, 2025
January 11, 2025
January 11, 2025