Lamig sa Baguio, bumaba sa 7.3 degrees Celsius

Patuloy pang bumaba ang lamig sa lungsod mula sa naitalang 8 degrees Celsius dakong ika-6 ng umaga noong Araw ng mga Puso sa 7.3 degrees Celsius sa parehong oras noong Pebrero 15.

Ang temperatura ang pinakamababang naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ngayong taon.

Ayon sa Pagasa, ang hanging amihan mula sa Siberia ang naghahatid ng malamig na panahon.

Ang pinakamababang naitalang temperatura sa Baguio ay 6.3degrees Celsius noong Enero 18, 1961, sinundan ng 6.7 degrees Celsius noong Pebrero 23, 1963 habang 6.8 degrees Celsius noong Enero 8, 1968 at 7.1 degrees Celsius noong Enero 9, 1971.
Mas malamig ang temperatura ngayon kumpara noong nakaraang taon na ang naitalang pinakamalamig ay noong Enero 26, 2016 sa 10.8 degrees Celsius.

Ayon kay Pagasa-Cordillera weather observer Efren Dalipog, asahan na patuloy ang malamig na klima ng Baguio City at magtatagal ito hanggang sa unang linggo ng Marso.

Samantala, sinabi ni Dalipog na magiging maaraw ang darating na Panagbenga 2017 ngunit mapapanatili pa rin ang malamig na klima. Wala ring nakikitang weather disturbance o namumuong masamang panahon sa susunod pang mga araw.

Nagpaalala naman ang mga lokal na opisyal at ang ahensya ng kalusugan sa publiko na magsuot ng mga pananggalang sa lamig upang maiwasan ang mga sakit gaya ng ubo, sipon, pneumonia, bronchitis at iba pang katulad na sakit. May ulat si Jessalyn M. Soreno, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon