Lasing na lalaki, nanaksak

BANGUED, ABRA – Isang 40 anyos na butcher ang nanaksak ng isang binata nang nagkainitan ang mga ito sa isang lamay sa Zone 3, Bangued Abra.
Nakatanggap ng tawag sa cellphone ang personnel ng Bangued MPS mula sa Seares Memorial Hospital hinggil sa isang lalaking dinala sa ospital para sa agarang lunas dahil sa natamong saksak bandang 10:40 pm ng November 9, 2017.
Ang biktima ay kinilalang si Louie Aspacio Babida, 23, single, walang trabaho, at residente Zone 3, Bangued, Abra habang ang suspek ay kinilalang si Hendrix Viloria Buenafe a.k.a. Abreco, 42, single, butcher at residente ng Zone 1, Bangued Abra.
Sa inisyal na imbestigasyong isinagawa ng Bangued MPS, bandang 10pm ng parehong araw, ang biktima ay nasa lamay habang naglalaro sa baraha nang nagkaroon ng matinding pagtatalo ang biktima at suspek na nauwi sa suntukan at bigla diumanong saksakin ng suspek ang biktima sa dibdib, samantalang hinampas naman ng isa pang babae ng plastic chair ang biktima.
Agad namang isinugod ang biktima sa Seares Memorial Hospital para sa agarang lunas habang nagsagawa naman ang mga pulis ng pagtugis sa suspek na nagresulta ng pagkahuli nito. Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bangued MPS para sa documentation bago maghain ng angkop ng kaso laban dito. Ang motibo ng pangyayari ay dahil diumano sa di pagkakaunawaan at kalasingan.

Amianan Balita Ngayon