Libreng bakuna sa rabies sa buong Marso, inialok ng DA-CAR

Metro BLISTT

Bilang pagdiriwang sa Rabies Awareness Month ay nag-aalok ang Department of Agriculture-Cordillera na ipabakuna ang mga alagang hayop nang libre sa kanilang tanggapan o sa pinakamalapit na veterinary offices sa buong buwan ng Marso.

Iniulat ni Dr.Cecilia Capuyan, Veterinarian II sa Regulatory Section ng DA- CAR, na umabot hanggang sa 24 ang kaso ng rabies sa Cordillera noong 2017 at ngayong taon naman simula noong Enero ay may walo na positibong kaso ng rabies.

Ayon sa Department of Agriculture, umaabot sa 300 hanggang 600 ang namamatay na Pilipino sa bansa kada taon at karamihan na apektado rito ay mga bata na may edad 5 hanggang 14 taong gulang.

Inihayag naman ni Geeny Anne I. Austria, Nurse V ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH-CAR, na mataas ang fatality rate ng impeksyon ng rabies. Kapag may impeksyon ng rabies sa katawan ay mananatili ito hanggang mamatay ang pasyente.

Dagdag pa ni Austria na wala pang ulat o kasaysayan na may nabuhay na pasyente na may impeksyon ng rabies.

Aniya, mayroong isang kaso ng pasyente na naapektuhan ng virus ng rabies ngunit nang nakagat ito ay dekada na ang lumipas.

Ang impeksyon ng rabies ay madalas nakukuha sa mga asong apektado ng rabies. Ngunit maaari din itong makuha sa pusa at iba pang hayop na may impeksyon ng rabies.

Dagdag ni Capuyan, may kaso rin na isang kambing ang apektado ng rabies dahil ito ay kinagat ng aso na may rabies. At dahil naapektuhan ang kambing, maaaring makakuha ng impeksyon ng rabies kapag may nakagat itong tao.

Payo ng DA-CAR na ipabakuna ang mga alagang hayop lalo na ang mga aso dahil ang rabies ay walang lunas at 100% ang fatality rate nito ngunit ito ay maiiwasan kung maipapabakuna ang mga alagang hayop.

Idinagdag dito ni Austria ang pagiging responsableng pag-aalaga ng hayop. Gaya ng pakikitungo sa mga alagang aso na hindi dapat sila pinapalo, binabato o inaasar dahil ito ang mga sanhi kung bakit nakakagat ang mga tao lalo na ang mga bata.

Paalala niya na agad sumangguni sa doktor sa loob ng 12 hanggang 48 oras mula nang makagat, para hindi manganib sa rabies at huwag palampasin sa 48 oras.

Ang libreng pagbabakuna ay epektibo lamang hanggang sa huling araw ng Marso sa buong rehiyon ngunit epektibo hanggang sa Mayo ang libreng pagbabakuna sa Benguet. PAULO GREG BENITEZ, UB Intern / ABN