“Ligal o iligal na e-sabong operation ng La Trinidad, Benguet?”

Malinaw ang tagubilin ni President Digong na ipagpatuloy ang electronic sabong (e-sabong) sa bansa.

Mahigpit ang pangangailangan ng kaban ng bayan dahil sa pandemic responses na kinakailangan ng ating mga kababayan lalo’t mahigit dalawang taon nang nahirapan ang ekonomiya at pambansang pananalapi.

Kaya’t anumang gawain ng mga kawatan upang umiwas sa pagbubuwis gaya ng pagbabayad ng nararapat sa mga obligasyon sa pamahalaan gaya nang nanggagaling sa mga ligal na sugal gaya ng casino at ang namamayagpag na electronic sabong sa bansa’y malaking dagok sa ating pananalapi.

Bilyon ang kontribusyon ng electronic sabong sa pananalapi ng bansa. Ibig sabihin, bilyon din ang ipinagkakait sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng serbisyo kapag hindi napapasakamay ng pamahalaan ang nararapat na buwis o obligasyon.

Ibig bang sabihin din na bilyon na rin ang ipinagkait ng mga iligal na nagpapalaro ng e-sabong sa Benguet?

Kung totoong isang taon na nag-ooperate ang isang e-sabong operation sa Kilometer 3, La Trinidad, Benguet sa kahabaan ng Baguio-Bontoc national highway, aba’y limpak-limpak nang obligasyon sa pamahalaan ang ipinagkait nito.

Buti kung dumulog pa ito sa tanggapan ni Mayor Romeo Salda upang kumuha ng taunang business permit. Ngunit si Mayor Salda nga ba ang nararapat na otoridad upang magbigay basbas ng e-sabong operation?

Kung sakali namang naka-kabit ang nasabing e-sabong operation sa La Trinidad, Benguet na balita’y P3M araw-araw ang umiikot na taya, sa isa sa mga 7 lisensyado ng Phil. Amusements and Gaming Corporation gaya nung kay Atong Ang o Bong Pineda o iba pa, bakit hanggang ngayon ay patago-tago pa rin ang operation nito?

Amianan Balita Ngayon