Ligtas na inuming tubig, handog ng DILG sa Abra

Provincial

TINEG, ABRA – Dahil sa nais nating mamuhay sa isang malinis, may access sa tubig para sa lahat kung kaya’t ipinapatupad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga water projects sa mga liblib na munisipalidad sa probinsiyang ito.

Kamakailan ay pinangunahan ng DILG ang inagurasyon at turn-over ceremony ng isang SALINTUBIG (Sagana At Ligtas na Tubig para sa Lahat) sa bayang ito. Ang proyektong ito ay isang solar powered potable water system sa Barangay Vira.

Sa pahayag ni DILG Cordillera Regional Director Marlo Iringan ay sinabi niya sa mamamayan ng Tineg kung paanong seryosong ipinapatupad ng gobyerno ang proyekto para sa kapakanan ng lahat habang umapila sa kanila na alagaan ang proyekto upang mapakinabangan nila ito nang matagal.

Sa Penarrubia ay pinangunahan ni Iringan at DILG Abra Director Millicent Carino ang paglulunsad at turn-over ng potable water system sa ilalim ng Bottom-up Budgeting (BUB) 2016. Ang proyekto ay solar powered na mabebenipisyuhan ang barangay Malamsit, Tattawa at Namarabar.

Bilang bahagi ng BUB 2016 project ay ang pagtatatag ng level II water supply sa mga barangay ng Sta. Rosa, Poblacion at Dumayco.

“It is more than just a project, it means life,” pahayag ni Iringan habang binati ang LGU ng Penarrubia sa tagumpay ng proyekto. Ang proyekto ayon kay Iringan ay lubos na mabibiyayaan ang mamamayan at mapapahusay ang kanilang buhay.

“It is not only a human need. More than that, it is a human right,” ani Cariño. Hiniling niya sa mamamayan ng Peñarrubia na pahalagahan ang proyekto dahil mabibigyan sila nito ng mura, ligtas at malinis na tubig sa matagal na panahon

Pinangunahan din nina Iringan at Carino ang turn-over ng farm to market road sa ilalim ng Performance Challenge Fund (PCF) 2016 sa Penarrubia. Ang proyekto ay concreting ng farm to market road at ang konstruksiyon ng spillway at stone masonry sa Barangay Namarabar.

Pinangunahan din nina Tineg Mayor Corinthia Crisologo at Penarrubia Mayor Jane Cecilia ang mga opisyal at mamamayan sa pagpapasalamat sa gobyerno sa mga proyektong umabot sa kanilang mga komunidad. ABN