Liwanag na nga ba?

ETO NA naman tayo, hindi magkasya sa pag timbang: dapat na bang ilagay ang Baguio at kanugnog Benguet towns sa Alert Level 2, na siyang kategorya ng Metro Manila at karatig rehiyon at probinsya, maging sa Kabisayaan.

Nitong nakaraang linggo, naging masaya ang pagtanggap ng sambayanan sa mga huling pag-aaaral tungkol sa byaheng Omicron. Para bagang itinuturo na tayo ng muling pag-ahon mula sa pagkalagapak nitong halos at dalawang taong paghihirap. Kung walang halaga ang napabalitang bagong anak ng Omicron na BA.1 at BA.2.

Oo nga at lubhang kay sakit ng ating pagkalugmok. Ang nawalan ng buhay ay halos nasa 50,000 na sa buong kapuluan. Ang nawalan ng trabaho ay higit pa ng paulitulit. Ang naapektohan ng pandemya ay lumalawak arawaraw, kung kayat ang mga maalam ay paligsahan sa pagbibigay ng kanya-kanyang pagsusuri.

Hanggan nasa yugto na tayo ng kabanatang tila nababanaagan na ang kukutikutitap na liwanag sa dulong ng hangganan sa byaheng ito. Gayung hindi pa malinaw kung saan man ang dulo ng hangganan — kung sing layo ng lipad ng isang di mapigilang pangarap — isa na ring
maituturing na pag-asang ating kinakapitan.

Aba, kanina lamang, tila nagpaligsahan sa pangunguna ang mga health experts sa pagsasabing papadausdos na ang bilang ng mga covid-infected.

Pag patuloy ang pabulusok na baba ng mga kaso — lalo na sa Metro Manila na siyang sentro ng mga paghihigpit upang mapigilan ang pananalasa ni Omicron — hindi maitatawa na malapit ng matapos ang pandemyang halos ay 2 taon din nating tulong-tulong na sinagupa at binuno, isang kalabang hindi nakikita, hindi inaasahan kung saan at kanino aatake.

Pero ngayon, buong tapang na ipinahahayag na malapit ng bagsakan ng kurtina ang kalabang kakaiba. Simulan na daw nating magbilang ng araw at linggo. Simulan na daw nating bilangan ng knockout count ang Omicron. Kumpara sa Delta na nanalasa sa huling tatlong buwan ng taong nagdaan, walang ibenesa ang bagong variant na ito na unang umatake sa South Africa mga Nobyembre.

Ngunit, mayroon pang binabantayan ang mga otoridad. Habang pababa na sa dating sentro ng Omicron, ang MM area, nakikita namang sa mga probinsya at rehiyon, ngayon pa lamang nakikita ang Omicron surge.

Bagay na ikinababahala ng maraming eksperto sapagkat hindi bibilis ang agos ng pag-dausdos ng mga kaso, kung ang malaking bahagi ng Pinas ay inaatake pa rin.

Dito muling masusubukan kung gaano kalakas ang puwersa ng siyensa sa ating covid struggle. Bakuna pa rin ang pinakamabisang solusyon upang mapalakas ang antibody production ng sariling pangangatawan. Ngunit hindi pang-isahan lamang ang solusyon.

Ito ay malawakan — samakatuwid, ikaw, ako, sila, at marami pang iba na ating nakakasalamuha sa araw-araw na ginawa ng Diyos at tao. Bakunahan ay nagsisimula sa Bakunahanda. Ihanda na silang hindi pa bakunado, at matagal ng dala ang mga takot at pangamba sa bakuna.

Dalhin sila sa pinakamalapit na bakunahan, maging sa health center ng iyong barangay. Kung ayaw, hatakin; pag pumiglas, bitbitin na at paupuin sa nagbabakuna.

Dito man sa Baguio, hindi magpapahuli sa Pitong Gatang si Mayor Benjie. Halos 2 taon na nyang pinangungunahan ang pang-lungsod na laban sa covid. Testing, contract tracing, treatment and isolation, vaccination — lahat ng ito ay kanyang binigyang enerhiya, lakip ang angking talino at malasakit, ang tapang ng loob at tibay ng dibdib upang malupig ang covid.

Kabubukas pa lamang sa Metro Manila ang mga botikang nag-magandang loob na maging bakunahan center, ay heto at sumunod kaagadagad ang Baguio upang pangunahan ang pagbubukas ng ilang botika at drive-through sites para mabigyan ng bakuna at booster shot ang mga sinalampak na hindi pa bakunado.

Nang biglang bumuhos ang dami ng bakuna, samut sari pang mga ngalan, ay sila naman ang tila nawala sa eksena. Sila ngayon ang hinahanap, tinatawag sa mga barangay, tinataghuyan na parang nawalang mga alagang hayop. Sandamakmak ang bakuna, pero ang tao, ay sandamakmak ding nawawala. Kung baga sa sineng walang katorya-torya, nilangaw sa takilya.

Angat Tayo Baguio ay mangyayari lamang kung lahat bakunado. Oh mga pare at mare ko, lahat na ng matino at may konsensyang maka-tao ay bakunado na raw. Huwag ng hintayin ang Pasko at baka hindi ka abutan. Angat. Buhay. Hanap-Buhay. Ingat. Dapat. Saan ka pa, pare at mare ko?

Amianan Balita Ngayon