Lola na nilooban, patay sa exclusive subdivision sa Baguio

Natagpuang patay ang 77-anyos ng lola sa loob ng pamamahay nito sa isang eksklusibong subdibisyon, hapon ng September 19, 2017.
Natagpuan ang biktima na si Lourdes Abalos Teodor ng kaniyang anak na si Dr. Emily Grace Teodoro Estares, sa loob ng kanilang bahay matapos pasukin ng magnanakaw ang kanilang bahay sa Lot 1, Block 3, Phase 1, Richview Square Subdivision, isang exclusive at may gate na subdivision at mayroong 24-hour security arrangement.
Pumasok diumano ang mga magnanakaw sa bahay sa pamamagitan ng nakabukas na back door sa ikalawang palapag ng bahay kung saan nakuha ang mga alahas na nagkakahalaga ng P500,000 at P25,000 cash.
Napag-alaman ng mga otoridad na nagtamo ang lola ng head injury na naging sanhi ng kaniyang kamatayan. Ito ay naiwang mag-isa sa bahay at nang umuwi ang kaniyang manggagamot na anak bandang 5:45pm ay natuklasan nito ang kamatayan ng kaniyang ina at ang nangyaring pagnanakaw.
Ayon sa pulisya, hinalughog ng mga magnanakaw ang master’s bedroom kung saan nakita ang mga mahahalagang bagay at tinangay ang mga ito.
Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng mga otoridad upang makahanap ng ebidensiya sa robbery-killing. ACE ALEGRE

Amianan Balita Ngayon