Lola, patay sa taga ng ate

Camp Dangwa, Benguet – Patay ang isang 60 anyos na housekeeper matapos biglang tagain ng nakakatandang kapatid sa hindi pa malamang dahilan sa loob mismo ng kanilang bahay sa Pidigan, Abra, ayon sa ulat na natanggap ng Police Regional Office-Cordillera, La Trinidad, Benguet.
Nabatid kay Chief Inspector Carolina Lacuata, information officer, ang biktima ay nakilalang si Rosita Cabanilla Bandiez, 60, samantalang ang suspek na older sister nito ay si Getrudiz Cabanilla Elpa,70, kapuwa nakatira sa Barangay Alinaya, Pidigan, Abra.
Ayon sa Pidigan Municipal Police Station sa Abra, nakatanggap sila ng tawag sa cellphone mula sa concerned citizen dakong 1:20 ng madaling araw ng Hunyo 26, kaugnay sa naganap na insidente sa nasabing lugar.
Nadatnan ng mga nagrespondeng pulisya ang duguan at walang buhay na biktima sa loob ng dining room ng bahay.
Napag-alaman na ang magkapatid, kasama ang adopted daughter na 12 taong gulang na babae ay nanonood ng telebisyon, nang tumayo ang suspek at pagbalik ay walang sabi-sabing tinaga sa ulo ang biktima, gamit ang isang bolo.
Nakakukulong ngayon ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa suspek. Hinihinalang matagal na alitan ng magkapatid ang motibo sa pamamaslang. ZALDY COMANDA

Amianan Balita Ngayon