Maagang pagbubukas ng night market, tinutulan

Tinutulan ni Mayor Mauricio Domogan sa ginanap na Ugnayan ang mungkahing mas maagang pagbubukas ng night market sa Harrison Road kaysa sa nakagawiang 9pm.
Ang pagbubukas ng night market nang mas maaga ay magdudulot ng pagkalito sa daloy ng trapiko dahil ang Harrison Road ang isa sa pinaka-abalang kalsada, ayon sa mayor.
Ang oras ng pagtitinda, gayunpaman ay maaaring pahabain hanggang umaga ng kasunod na araw. Ang night market ay nagbubukas ng 9pm hanggang 1am.
Mayroong plano ng paglilipat ng night market sa gilid ng Melvin Jones, Burnham Park na sinang-ayunan naman ng mayor.
Kung matutuloy ang plano, magkakaroon ng permanenteng lugar ang night market, at mapapaganda kapag gabi. Mas ligtas ang lokasyon para sa mga mamimili at malilibre ang Harrison Road sa trapiko, dagdag ng mayor.
Ang kinikita mula sa night market ay maaaring gamitin para sa maintenance ng parke, pagtatapos ng mayor.
Ang Harrison night market ay naging tourist destination ng mga bisita gayundin ng mga residente na mas nais mamili sa gabi. J.G.FIANZA / ABN

Amianan Balita Ngayon