Maagang pagkontrol, proteksiyon at karagdagang pasilidad sa kalusugan ihanda na

Tinawag ng World Health Organization ang COVID-19 outbreak na iniuugnay sa transmisyon ng novel coronavirus (SARS-CoV-2) na isang global pandemic o pandaigdigang pandemya.
Unang napaulat ito sa Wuhan, China noong Disyembre 31, 2019, at ang virus ay mabilis na kumalat sa mga kontinente at mga bansa, na may lubhang tumataas na bilang ng kumpirmadong mga kaso at pagkamatay. Ang epidemya o salot ay malaking banta sa ekonomiya gayundin bilang isang krisis sa kalusugan ng publiko.
Sa pinakahuling pagtatala (habang sinusulat ito) ay nasa 592,980 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong mundo, 27,189 ang namamatay na at 132, 520 ang gumaling. Apektado na rin ang 199 mga bansa at teritoryo sa buong mundo. Sa Pilipinas ay umabot na sa 803 ang mga kaso na nasa 54 ang namamatay at 31 ang gumaling ayon din sa pinakahuling ulat ng Department of Health.
Kahit pa ang mga mayayaman at makapangyarihang bansa ay tila nahihirapan nang sawatain ang epidemya at sa katunayan ay ang Estados Unidos ang may pinakamaraming kaso ng corona virus sa kasalukuyan na may mahigit 97,149 kumpirmadong kaso at 1,475 ang namamatay na.
Ang Italy na siyang may pinakamataas na tala ng pagkamatay na nasa 9,134 na (pinakamataas na naitalang pagkamatay sa isang araw na 919) sa 86,498 mga kaso, linagpasan na ng dalawang bansang ito ang China sa may pinakamaraming kaso. Kapansin-pansin din ang biglang pagdami ng kaso sa iba pang bansa sa Europa.
Ang tunay na epekto ng COVID-19 outbreak sa isang komunidad dito sa Pilipinas ay hindi mahuhulaan ngunit lahat ng healthcare facilities ay kailangan gumawa na ng mga hakbang ngayon upang makapaghanda sa napipintong paglaganap at maprotektahan kapuwa ang mga pasyente at personnel.
Siyam na ang namamatay na mga doctor sa Pilipinas dahil sa coronavirus at dahil din sa pagsisikip ng mga pasyente sa mga ospital kaya nagbunsod ito ng reklamo sa mga health workers na kulang ang proteksiyon sa mga frontliners.
Ang balita sa pagkamatay ng mga doctor ay nagpapalala sa takot na ang antas ng krisis ng kalusugan sa Pilipinas ay mas malala kaysa naiuulat na kumpirmadong pagkamatay sa sakit na nasa 54 lamang.
Kailangan ng maagang pagkontrol upang mapababa ang pagbulusok ng paglaganap ng sakit at mabigyan daan ang sistema sa kalusugan na mabigyan ng pangangalaga para sa mas maraming tao.
Nakakapagtaka na kahit ang isang sakit na hindi gaanong malala sa maraming pagkakataon ay maaaring pumatay sa malaking bilang ng tao, kung maiimpeksiyon nito ang malaking bahagi ng populasyon. Ang COVID-19 ay maaaring hindi gaanong malala – maaari ding karamihan ng tao ay hindi nagpapakita ng anumang sintomas – ngunit sa ilang mga kaso lalo na sa matatanda ay maaari itong maging napakalubha.
Marami sa mga pasyenteng ito ang nangangailangan ng gamutan sa intensive care units (ICUs). Iniulat ng WHO na halos kaapat na bahagi ng malulubha at kritikal na kaso ay nangangailangan ng mechanical ventilation.
Kaya importante sa isang epidemya para sa gobyerno at iba pang ahensiya na mabilis na tumugon na layong mapababa ang antas ng impeksiyon upang sa ganun ay maampat ang epidemya at ang mataas na pangangailan sa sistema ng pangangalagang kalusugan ay mas mababa.
Ang mga hakbang sa pagkontrol ay layong iwasan ang pagbulusok ng paglaganap kung saan ang malaking bilang ng tao ay nagkakasakit sa magkakasabay na panahon. Ibig sabihin nito na kahit ang parehong bilang ng mga tao na nagkakasakit sa pangkalahatan, maaaring magamot ang mas marami sa kanila dahil hindi ito nangyayari na magkakasabay.
Kung hindi mangyari ito, ang bilang ng mga nangangailangan ng gamutan sa sabay-sabay sa iisang pagkakataon ay lalaki at mahihirapan at matatambakan ang sistema sa kalusugan at hindi makakapagbigay ng sapat na pangangalaga sa ilang mga pasyente.
Habang hindi pa umaabot sa libo ang mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa (na huwag sanang umabot) ngunit inaasahan na tataas pa ang kasalukuyang bilang dahil sa pagdating ng mga karagdagang test kits ay pinangangambahang dadami ang bilang ng maaaring maging positibo sa sakit. Habang hindi pa nangyayari ito ay kailangan ng paghandaan ng mga lokal na gobyerno ang pagkakaroon ng karagdagang pasilidad sa kalusugan dahil maaaring pagsikip na at hindi pagtanggap ng ilang ospital ng mga pasyente na nangyayari na.

Amianan Balita Ngayon