Mag-aaral ng Grade 10, nang-rape ng Grade 11 sa Apayao

Dumulog ang isang ina sa himpilan ng Luna municipal police dakong 2:20 ng madaling araw ng Hulyo 23 upang ireklamo ang diumano’y panghahalay sa kaniyang anak noong Hulyo 22, bandang 11pm, sa Brgy. Sta. Lina, Luna, Apayao.
Ang biktima ay isang 16 anyos, Grade 11 ng Tumog National Agricultural Trade High School at residente ng Brgy. Tumog, Luna, Apayo, habang ang suspek ay 19 anyos na Grade 10 student at residente ng Sta. Lina, Luna, Apayao.
Sa imbestigasyon, bago nangyari ang insidente, nagtext ang suspek sa biktima gamit ang ibang cellphone number na nagsasabing i-unblock ng biktima ang number ng suspek. Tinawagan diumano ng suspek ang biktima at pinagbantaang ipapakita ng suspek sa ina ng biktima ang mga larawan nitong nakahubad kung hindi ito makikipagkita sa bahay ng suspek, kung kaya agad na nagpunta ang biktima sa bahay ng suspek.
Nang nasa bahay na ng suspek ang biktima, hinila diumano ng suspek ang biktima sa kuwarto at ipinakita ang larawan ng biktimang nakahubad na may hawak diumanong sachet ng shabu.
Matapos nito, sapilitang tinanggal ng suspek ang damit ng biktima. Sinunggaban at hinila ng suspek ang buhok ng biktima kung kaya’t nawalan ito ng balanse at napahiga sa sahig. Sinabi pa ng biktima sa suspek na isusumbong ito sa ina nito, na isang kagawad, ngunit hindi natakot ang suspek.
Sinubukan ng biktima na manlaban ngunit sinabunutan siya ng suspek at hinawakan ang kaniyang mga kamay at hinalay ang biktima. Matapos ito, agad na isinuot ng biktima ang kaniyang damit at tumakbo palabas ng bahay ng suspek patungo sa kalsada. Natawagan ng biktima ang kaniyang kaibigan sa cellphone at sinabing puntahan ito dahil na-rape ito.
Sinundan ng suspek ang biktima sa kalsada at nakitang may tinawagan sa cellphone. Inagaw ng suspek ang cellphone sa biktima at pinatay ang cellphone at hinila ulit ng suspek ang biktima pabalik ng bahay nito at muling hinalay.
Matapos ang panghahalay, iniwan ng suspek ang biktima kaya’t natawagan nito ang kaniyang kaibigan. Nahuli ng mga rumespondeng tauhan ng Luna MPS ang suspek.

Amianan Balita Ngayon