Mag-asawa, kinasuhan ng murder sa pagkamatay ng pamangkin

BAGUIO CITY – Apat na katao na pawang mga kamag-anak at sangkot sa pagkamatay ng 7 taon gulang na lalaki noong Mayo 30, ang sinampahan na ng kaso ng mga Investigation team ng Baguio City Police Office.
Isinampa nina BCPO Legal Officer Atty. Ford Tuazon at Police Major Pablo Nead, chief of the City Investigation and Detective Management Unit (CIDMU), ang iba’t ibang kaso laban sa mga suspect sa tanggapan ng Baguio City Prosecutor’s Office noong Hunyo 10, matapos ang masusing imbestigasyon at mga ebidensya at pahayag ng mga saksi, na ang biktima ay nagtamo ng pagmamaltrato at pagbigti na nagresulta ng pagkamatay nito.
Nabatid kay City Director Police Colonel Allen Rae Co, kasong murder ang isinampa sa mag-asawang sina Loly Ann Duccog Dalipog at Efren Uyammi Dalipog, pawang nakatira sa Barangay Ambiong, Baguio City at nagsilbing guardian ng biktima.
Paglabag sa Republic Act 7610, or the Special Protection of Children Against Abuse,
Exploitation and Discrimination Act ang karagdagang kaso na inihain sa nasabing mag-asawa.
Ang Obstruction of Justice ay muling isinampa sa mag-asawa at sa kamag-anak na sina Wenzel Duccog and Marcelino Walang.
At paglabag sa Section 9 of RA 11332 ang ikinaso kika Loly Ann Duccog Dalipog, Wenzel Duccog at Marcelino Walang.
Ayon kay Co, asphyxia by strangulation due to hanging ang ikinamatay ng biktima base sa resulta ng autopsy report na isinumite ng PNP Crime Laboratory at hindi umano suicide na unang inireport ng Tiyahin sa pagkamatay ng biktima.
Lumitaw din sa report na mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan ng biktima ang nakita ng doctor at pulisya na nagsagawa imbestigasyon nang isugod ito sa hospital, kaya malaki ang hinala na ito ay biktima ng “foul play”.
Napag-alaman na ang biktima ay nasa pangangalaga ng mga suspek, habang ang ina (kapatid ng tiyahin) ay nagtratrabaho sa Hongkong.
Sa imbestigasyon, ang pagkamatay ng biktima ay unang inireport sa pulisya noong Mayo 30.
Sa pahayag ni Mrs. Dalipog, nadiskubre niya ang biktima sa kuwarto ng kanilang bahay na walang malay at nakabigti sa pamamagitan ng scarf sa leeg nito na nakatali sa window grills.
Ang biktima ay agad na isinigod sa Notre Dame Hospital, pero namatay ito kinabukasan.
Nagduda na umano ang pulisya kaya nagsagawa ng follow-up investigation sa hospital at nalaman mula sa attending physician na nadiskubre nila na ang biktima ay may mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan nito.
Ayon kay Co, ipinaalam nila kay Mrs. Dalipog ang mga nakitang pasa katawan ng bata at ipinaliwanag na kailangang sumailalim sa autopsy upang maalis ang hinala na may “foul play” sa pagkamatay ng biktima.
Pero, tumanggi umano sa Mrs Dalipog at kamag-anak nito sa autopsy examination. Noong umaga ng Hunyo 1, inisyal na pumayag si Mrs Dalipog at kamag-anak nito na isagawa ang autopsy sa labi ng biktima, subalit kinahapunan ay ibiniyahe ni Mrs. Dalipog, kasama sina Marcelino Walang at Wenzel Duccog, ang labi ng bikrtima patungo Banaue,Ifugao via Ambuklao Road.
Habang papadaan sa Ambuklao Road ay hinarang sila checkpoint ng Bokod Municipal Police Station at wala silang maipakitang travel pass at permit to transport cadaver na isyu ng siyudad ng Baguio.
Bilang humanitarian consideration at payagan silang makadaan sa checkpoint para sa libing sa Hunyo 4, ay pinalagda si Mrs Dalipog sa isang undertaking sa pagpayag nito sa pagsasagawa ng autopsy.
Dahil sa undertaking, agad na humingi ng intervention ang BCPO Baguio City Prosecutor’s Office at sa Ifugao Province, na agad namang inaksyunan ni Ifugao Provincial Prosecutor Marvin Nangayawan na nagpalabas ng order para autopsy examination at agad na naisagawa ni Dr. Dave bago ilibing ang biktima sa Banaue, Ifugao.
Zaldy Comanda/ABN
 

Amianan Balita Ngayon