Mag-utol, natimbog sa pagbebenta ng shabu

LUNGSOD NG BAGUIO –  Nadakip ng mga  miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mag-utol na taga-Asin Barangay  matapos magbenta ang mga ito ng shabu sa di nakilalang agent ng PDEA.
Nakilala ang magkapatid na sina  Aprillo at Benjamin Jr. Lagman na kapwa nakatira sa barangay Asin Road sa lunsod na ito.
Ayon sa PDEA, nagbenta umano ng shabu ang magkapatid na nagkakahalaga ng  P3,000 sa isang ahente ng PDEA at ng Baguio City Police Office.
Nakumpiska pa ang ilang maliliit na plastic na may mga laman na shabu. Agad ding ikinalaboso ang dalawang tulak ng ipinagbabawal na droga sa Baguio City Jail.
Presyo ng shabu sa Baguio, tumaas
Ayon sa kay PDEA-CAR regional director Edgar Apalla, kahit na puspusan ang kanilang kampanya laban sa shabu at iba pang ipinagbabawal na droga ay tila tumaas pa ang presyo ng bentahan ng shabu sa lungsod na ito.
“Though dealing with a heavy blow from the present government’s all-out drug war, the shabu business in Baguio City is making a killing.” 
Aniya, tumaas halos ang bentahan mula P5,000 hanggang P7,000 ang per quarter ng gramo ng shabu. Dagdag  pa niya, wala nang piso-piso na presyo kundi libo na ang bentahan kada plastic.
“The scarcity of shabu has caused the price hike of the illegal drug-making marijuana or so-called ‘green gold of the mountains’ as the drug of choice,” ani Apalla.
Inamin din ni Apalla na ang syudad na ito ang  “main trans-shipment point” ng marijuana subalit mas marami umano ang gumagamit ng shabu. 
Sa ngayon, ayon kay Apalla,  binabantayan nila ang mga eskwelahan ng secondary at kolehiyo sa lungsod at sa La Trinidad, Benguet dahil ang mga kabataan ang madaling maging biktima ng mga drug pusher.
“Baguio has not been declared drug-free yet,” ani Apalla. THOM F. PICAÑA / ABN

Amianan Balita Ngayon