Magalong nagbabala sa mga BOCAPS laban kontra COVID-19

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Hiniling ni Mayor Benjamin Magalong sa mga punong barangay ng lungsod na maghanda dahil ang giyera laban sa Coronavirus disease (COVID-19) ay maaaring magtagal pa. Sinabi ni Magalong na matatanggap ng bansa ang alokasyon sa bakuna sa huling bahagi ng taong 2021 base sa vaccine allocation plan ng World Health Organization para sa second at third world countries.

“The COVID-19 vaccine is still a long way. It’s more than a year more before we can go back to normal so we have to condition our minds that we are in for a long-term and enduring battle,” sinabi ng mayor sa mga barangay captains sa buwanang pagpupulong noong Oktubre 14. Upang malagpasan ito, sinabi niya na kailangang ipagpatuloy ng mga lider ang pagpapahusay at gumawa pa ng mas maraming inobasyon.

Sinabi niya na ang laban sa COVID-19 sa lungsod ay lumipat na sa mga sambahayan na nakita sa kasalukuyang mga estadistika. Ibig sabihin nito na ang mga istratehiya ng lungsod ay dapat ng nakatutok sa mga pamilya at komunidad upang magbunga ng pagbabago sa gawi sa paraan na ang minimum health standards kontra sa sakit ay magiging bahagi ng paraan ng kanilang pamumuhay.

Hiniling niya sa mga opisyal ng barangay na manguna sa pagpapatupad ng mga bagong programa sa kanilang nasasakupang lugar kasama ang information education communication (IEC) campaign, pagsasagawa ng dayalogo at pamamahagi ng impormasyon sa COVID-19 sa mga barangay na may potesniyal na maging flachpoint o hotspot at pagbibigay insentibo sa mga barangay na sumusunod sa health protocols.

Ang mga programa ay ipapatupad sa koordinasyon ng mga opisina ng pamahalaang lungsod kabilang ang Special Services Division and the City Health Services Offices.

APR-PIO/PMCJr.-ABN