“Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan”- payak na mensahe, malalim ang tarak

Editorial

Mula sa isang luma at simpleng kariton na kawayan na naglalaman ng mangilan-ngilan na pagkain at kinakailangan ang ipinarada sa isang tabi ng poste ay layon lamang ang isang napakasimpleng mabuting gawa – ang makatulong sa mga tao na naapektuhan ng pandemya sa COVID-19. Tinawag itong “community pantry” kung saan libreng kumuha ang sinuman ngunit may pasubaling paalala na nakasulat sa luma at gamit nang karton, isang simpleng mensahe, “magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan”.

Ngayon, makalipas lamang ang ilang oras mula ng simulan ang tinawag na Maginhawa Community Pantry, ito ay naging napakaling usapan na, sa mga komentaryo at ng mga kasalukuyang pangyayari sa bayan at umalingawngaw sa social media. Sa iglap din ay nagkaroon na rin ang maraming komunidad sa buong bansa ng kani-kanilang bersiyon ng pantry, lahat ay resulta ng pagboboluntaryo at pagkakaisa.

Ang ilan dahil sa iba’t-ibang kadahilanan ay hindi makalabas ng kanilang tahanan ay nag-aambag ng pera ang iba ay mga groceries at mga pangunahing pangangailangan, mga gulay at marami pa na kahit maliit man o maliit ay tiyak naman patutunguhan – ang makatulong. Mga aktibista, simbahan, mga grupong pang-relihiyon, mga artista at mga politiko ay ay sumakay na rin sa bagon.

Ngunit ang nakakatusok-pusong tagpo ay ang mahirap – ang masa ay nagbibigay din kahit paano sa kapuwa mahirap. Ang katunayan nito ay ang kanilang pabibigay ng konting barya kapalit ng kanilang kinukuhang pagkain sa community pantry na kung tutuusin ay wala pa sa katiting na katapat ng kanilang mga kinuha.

Ang konsepto ng community pantries ay bigyan liwanag hindi ang simpleng pagkakawanggawa ngunit pinakamahalaga ang pagkakaisa at pagtutulungan sa bawat isa. Higit sa mga donasyong ibinibigay at mga tulong pinansiyal ay ang kuwento ng pagkakaisa ng mga tao sa laylayan na sa kabila ng katotohanang sila ang lubos na naapektuhan ng pandemya at nawalan ng malaki ay kinakaya pang lumalabas at gumagawa ng paraan upang makatulong sa kanilang komunidad.

Sa gitna ng tagumpay, paglaganap at mala-kabuteng pagdami ng community pantries sa buong bansa ay ang nakalulungkot ding pangyayari ng mga pang-aabuso dito ng ilan nating kababayan, sa kabilang banda ay hindi naman natin sila masisi dahil sa libre nga ito at kung kumuha sila ng sobra ay konsiyensiya na nila ito dahil wala naming batas na sasakop dito. Ang mas nakapanlulumo ay ang mabahiran ito ng pulitika at ang pagred-tag sa mga organizer ng community pantries dahil nagagamit daw ang mga ito sa mga propaganda ng komunista.

Walang duda na ang community pantries na ito ay pulitikal kung saan ang pambansang gobyerno at mga lokal na opisyal ay nagugulantang sa pag-usbong nila. Maaaring maging sampal ito sa gobyerno dahil sa tingin ng marami ay kulang ang naibibigay ng gobyerno na mga serbisyong panlipunan at mga tulong dahil kung sapat ang tulong ay hindi kinakailangang magsama-sama ang mga tao at tulungan ang kanilang mga sarili.

Sa kabilang banda, kung kulang pa ang daan-daan trilyong piso na naipamahagi nang tulong sa mga Pilipino ay kailangan nga na mas magpursige pa ang gobyerno dahil ang simpleng ideya ng community pantry ay isang malaking sampal na katotohanan na kailangang tanggapin ng gobyerno at tanungin ang ating mga sarili kung saan ba talaga tayo nagkulang at bakit at kung paano tayo binigo ng kasalukuyang sistema.

At kung may nakikita man ang gobyerno (sa pangunguna ng NTF-ELCAC) na nagagamit ang mga community pantries sa mga propaganda ng komunista at anumang pagkaka-ugnay ng mga organizer nito sa komunista ay kailangan munang patunayan nila ito dahil sa ngayon ay wala sigurong masamang pairalin ang bayanihan.

Dahil kalimitan ang sikmurang gutom ay walang nakikilalang batas. Pagkatapos ng lahat, ang mga community pantries ay hindi ligtas sa pang-aabuso at pagkahapo, at hindi natitiyak kung hanggang kailan tatagal ito kung walang tuloy-tuloy na aksiyon ng komunidad at ilang organisasyon.

Gayunman ay nananatili ang katotohanan na ang ganitong mga inisyatibo ay mangangahulugan ng buhay at kamatayan para sa ilan, kapit sa patalim ika nga at ang community pantries na ito ay isang paraan para sa mga tao at pribadong mga grupo na tangkaing tugunan ang puwang kung paano pamahalaan ng gobyerno ang magkadugtong na problema ng kawlan ng trabaho at gutom.

Kailangan natin ng isang malaking pagbabago sa ating lipunan – sa ating pamamahala at lalo na sa ekonomiya na kailangang-kailangan na natin ngayon. Kaya patunayan na natin na kaya nating tuparin ang itinakda ng Bayanihan to Heal as One, wala munang maruming pulitika, wala munang pansariling interes. Gaano man kahirap ito (imposible pa nga dahil sa nalalapot na halalan) ay pagsikapan nating makamit ang tunay na diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan – hanggat matapos ang pandemya.