“MAGIKERONG NCIP, OPISYAL NG KABUGAO, APAYAO NAHAHARAP SA DAAN-DAANG KASONG KRIMINAL AT GRAFT AT KORAPSYON SA OMBUDSMAN”

Naniniwala ang mga Isnag ng barangay Lenneng at Poblacion ng Kabugao, Apayao na napakahusay mag-magic ang mga taga National Commission on Indigenous People (NCIP)- Cordillera katulong ang mga inihalal nilang mga kinatawan sa munisipyo. Hindi dahil mga empleyado ang mga ito sa
karnibal, kundi nagawang manipulahin ang prosesong Free Prior and Informed Consent (FPIC) pabor sa Pan Pacific Renewable Power Philippines Corporation (PPRPC) na nagbabalak itayo ang 150 megawatts Gened 1 Hydroelectric Power Project (HEPP) sa Apayao-Abulog River.

Mahigit 200 reklamong kriminal at administratibo ang pauna nang naihain sa Apayao prosecutor’s office at opisina ni Ombudsman Samuel Martirez upang panagutin ang kalapastanganan at inhustisya sa mga Isnag. Isinakdal ng korapsyon, estafa, falsification sina NCIPCordillera Acting Regional Director Atanacio Addog, NCIP Provincial Officer Agnes Gabuat, NCIP-Apayao Provincial Legal Officer Geoffrey Calderon, Acting Head ng NCIP Kabugao Jezryl Inopia, at mga kabilang sa
NCIP- Apayao FPIC team.

Inirereklamo din sina Kabugao Vice Mayor Fabulous Tucjang at Kabugao Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) John Anthony Amid, at ilan pang pribadong taong kinasangkapan ng pangmamagic upang busabusin ang batas at karapatan ng kanila mismong mga kababayan. Nauna nang inireklamo ng taga Barangay Lenneng ng administratibo at korapsyon sa
Ombudsman noong Disyembre ang mga taga NCIP kasama ang mga opisyales ng Kabugao at 104 bilang ng kaparehas na reklamong criminal sa Kabugao prosecutors’ office ngayong unang linggo ng Enero.

Sa payak na paliwanag, kriminal na kasong naisampa sa Kabugao prosecutor’s office dahil sa manipulasyon sa FPIC process na pumapabor sa dam na ayon sa mga Isnag ay sisira sa kapaligiran, kabuhayan at kultura nilang katutubo. Administratibo naman sa Ombudsman dahil sa pagtalikod sa sinumpaang tungkuling pangalagahan ang karapatan ng mga Isnag. Ayon sa mga Isnag, mga
pekeng pirma, pekeng mga pangalan at pirma ng mga taong patay ang nakalahad sa “December 23, 2019 community resolution” upang magtalaga ng ilan upang makipag-usap at pumirma sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagpapatayo ng Gened 1 Dam.

Babala ng mga Isnag, panimulang hakbang pa lamang ang pagsasampa ng mga daandaang reklamo ng barangay Lenneng at Poblacion kaugnay sa pamemeke ng FPIC. Kahalintulad na mga reklamong kriminal at administratibo din ang nakaumang na isampa ng mga Isnag sa 9 sa 21 pang
barangay ng Kabugao na apektado sa pagtatayo ng dam. Sa gitna ng poot na kinakaharap ng mga Isnag, hindi sila makahanap ng sandigan sa katauhan ni Gov. Elias Bulut Jr., na kasalukuyan ding
tagapangulo ng Regional Development Council (RDC) sa Cordillera at ng kinatawan sa Kongreso, ang kapatid ni Governor – Rep. Eleanor Bulut- Begtang. Bakit? Ang mga Isnag ay may iisang sagot!

Amianan Balita Ngayon