Sa isang regular session ng Baguio City Council kamakailan ay sinagot ni Brig. Gen. Ferdinand Melchor Dela Cruz sa tanong ni Councilor Lilia Farinas kung ano ang maaaring sitwasyon para sa lungsod kung sakaling pumutok ang giyera sa pagitan ng Pilipinas at Tsina dahil sa kasalukuyang umiinit na kaganapan sa West Philippine Sea at banta ng huli. Sinabi ng opisyal na maaaring magsilbing “huling kuta o tanggulan” ng bansa ang Lungsod ng Baguio sakaling sumiklab ang digmaan habang binigyang-diin niya ang estratehikong kahalagahan ng rehiyon ng Cordillera at Lungsod ng Baguio sa partikular.
Tinukoy ni Dela Cruz ang mga makasaysayang halimbawa gaya ng sa Tirad Pass sa panahon ng Philippine-American War at ang Besang Pass sa panahon ng Ikalawang Pandaigdigang Digmaan kung saan ang tanyag na mga lugar ng digmaan na ito ay naging huling mahalagang paninindigan ng mga puwersa ng Pilipino laban sa mga mananakop at ipinahiwatig na dahil nasa mataas na lugar ang Baguio at makasaysayang papel nito sa depensa militar ay maaaring magsilbing katulad na isang estratehiko at lugar na tanggulan kung sakaling magkaroon ng digmaan.
Dahil sa pagiging estratehiko kahalagahan ng lugar ay pinili ito ng mga Amerikano noon at plinanong magtatag ng kanilang mga makinarya sa pamamahala ng gobyerno sa Lungsod ng Baguio. Kaugnay nito ay tinitingnan ng militar ng Pilipinas ang konstruksiyon ng mga istruktura sa ilalim ng lupa sa mga estratehikong lugar sa buong bansa upang magsilbing command at control centers sakaling sumiklab ang digmaan at ang kalupaan ng Baguio ay ankop sa gayong mga pasilidad. Si Brig. Gen. Dela Cruz ay siyang Commander ng 501st Infantry Brigade at Joint Task Group Panagkaykaysa na isang yunit ng militar na binubuo ng mga miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) na nag-ooperate sa Lungsod ng Baguio at mga karatig probinsiya nito.
Layunin at pangitain ng grupo na makita ang Baguio bilang isang nagkakaisa at progresibong lungsod kung saan ang mga komunidad ay napalakas sa pamamagitan ng isang whole-of-society approach. Inimbitahan ng Konseho ng Baguio ang opisyal upang iprisinta ang kanilang mga plano at papel sa lungsod. Inilahad ni Brig.Gen. Dela Cruz na may pagbabago ngayon sa modelo ng kanilang pagtutok mula counterinsurgency sa territorial defense na alinsunod sa potensiyal na panlabas na mga banta sa pambansang soberanya at integridad.
Sinabi niya na kabilang sa mandato nila ang pagbuo ng regular at citizen armed forces para sa pambansang seguridad na pinalawig sa paglikha ng atmospera ng pagkakaisa anuman ang pinagmulan upang idepensa ang bansa sa panlabas na pagsalakay at iba pang mga banta sa seguridad. Ang pinalawig na konsepto ng pambansang seguridad, ayon sa opisyal ay kasama ang di-tradisyunal na mga banta gaya ng pagbabago ng klima, mga sakuna, pandemya, at iba pang uri ng kriminalidad. Ibinahagi rin ng opisyal ang ibinabahaging pangarap para sa isang ligtas, progresibo, at nagkakaisang Lungsod ng Baguio sa pamamagitan ng isang whole-of-society approach.
Sa kasalukuyang takbo ng mga pangyayari ay hindi na natin maaaring ipagwalang-bahala ang mga nakaambang banta sa bansa at mamamayang Pilipino. Sa tumitinding sitwasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina maging ang pakikialam ng ibang bansa ay hindi na maikakaila na sa anumang oras ay maaari ngang sumiklab ang isang digmaan – kung hindi maresolba ang gusot sa mga teritoryong pinag-aagawan at mitsa ng hindi pagkakaunawaan. Kailangang ipamulat sa bawat Pilipino na bagama’t ayaw natin ng may kaaway ay hindi natin matatalikuran ang katotohanang kailangan din nating depensahan ang ating sarili at ang bansa.
Mainam ang planong himukin ang mamamayan na maging “reservists” ng sandatahang puwersa at gayundin gawin na ring mandatoryo ang Citizens Army Training (CAT), at ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC). Kahanay nito ay muling tingnan ang mga batas na may-kaugnayan sa pambansang emerhensia, giyera, at responde sa mga sakuna. Huwag tayong maging kampante, dahil sa pagsisikap ng gobiyerno at mga opisyal ng bansa na huwag humantong sa marahas na armadong laban ang sigalot sa WPS at iba pang teritoryo ay dapat tayong maging handa sa pinakamasamang senaryo – dahil ito ang realidad. Mas mabuting lumalaban kaysa malupig na natutulog sa pansitan at huwag nating hayaang umabot sa “huling tanggulan” ang isyu sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
September 21, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024
September 20, 2024
September 13, 2024