Magsasaka ng Benguet at Police Cordillera nagpadala ng toneladang gulay sa mga biktima ni Odette

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagpadala ang mga magsasaka ng gulay at mangangalakal ng Benguet kasama ang La Trinidad Municipal Police Station (LTMPS) at Police Regional Office-Cordillera (PROCor) ng tone-toneladang gulay sa mga apektadong barangay sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Agot Balanoy, tagapagsalita ng League of Association sa La Trinidad Vegetable Trading Area sa La Trinidad, Benguet na nagpadala sila noong Martes (Disyembre 21, 2021) sa Cebu City. Umaasa siya na ang mga gulay ay makakatulong na pagaanin ang pasanin ng mga residenteng apektado ng bagyo lalo na ang pagkagutom.
Dagdag niya na sa pamamagitan nito, mararamdaman din nila ang espiritu ng Pasko sa kabila ng trahedyang naranasan nila. Sinabi ni Balanoy na ang mga gulay ay donasyon ng mga magsasaka ng gulay, mangangalakal at iba pang stakeholder.
Nang malaman ang sitwasyon ng kanilang kapuwa Pilipino, sinabi niya na nagsimula na silang manawagan ng mga donasyon.
Sinabi niya na ang mga magsasaka, mangangalakal at stakeholders ay nag-donate ng dalawang tonelada ng mga gulay. Bumili rin ang police ng dalawa pang tonelada upang pandagdag sa mga donasyong gulay.
Ang apat na tonelada ng gulay ay nagkakahalaga ng PhP80,000 ayon kay Balanoy. Susubukan pa nilang kumolekta para sa susunod na ipapadala, aniya, at umaasa sila na maipapadala ito ng maaga sa susunod na taon dahil ang Disyembre ay isang abalang buwan para sa mga magsasaka ng gulay.
Ang mga magsasaka ng gulay ng Cordillera ay nagdodonate ng mga gulay sa pagsisimula ng pandemya na tumutulong sa mga tao lalo na ang mga nawalan ng ikinabubuhay dahil sa mga lockdown.
Kahit bago pa ang pandemya ay nagpapadala rin sila ng mga gulay sa mga lugar na apektado ng pagputok ng Taal Volcano noong nakaraang taon.
(AAD/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon