Magsasaka sa Benguet humihingi ng paliwanag sa pagbaha ng Korean strawberries

LUNGSOD NG BAGUIO – Hinimok ni Agot Balanoy, Manager ng Benguet Farmers Marketing Cooperative Manager Agot Balanoy ang Bureau of Plant and Industry (BPI) na magpaliwanag kung bakit bumabaha ng Korean strawberries ang mga wet market ng Cebu.
Sinabi niya na taliwas ito sa kung ano ang sinabi ng ahensiya sa harap ng isang pagdinig ng Senado sa nakaraan na ang nasabing mga strawberry ay para sa komunidad ng mga Koreano sa bansa.
Sinabi pa ni Balanoy na ang mga Korean strawberry ay ibinebenta rin sa mga high-end markets o malls. Ayon kay Balanoy, nagisyu ang National Plant Quarantine Services Division ng BPI ng isang permit sa importer ng nasabing mga strawberry noong Nobyembre 20, 2021 na may bisa hanggang Nobyembre 20, 2024.
Sinabi pa niya na idineklara ng mga permit na ang mga strawberry ay mga ornamental plants. Binigyan-diin niya na ang mga Korean strawberry ay hindi kailanman itinuturing bilang ornamental plants. “Kaya, ito ay misdeclaration at ang misdeclaration ay isang uri ng smuggling,” bulalas ni Balanoy.
Inihayag ni Balanoy na sa Philippine Korea-Philippine Trade Agreement sa ilalim ng General Agreement on Tariff Agreement-World Trade Organization (GATT-WTO), ang strawberry ay hindi kasama sa mga produktong pinapahintulutan na pumasok sa merkado ng Pilipinas.
Sinabi niya na ang pag-isyu ng isang permit sa importer ng Korean strawberries ay parang pinapaikot ang batas mapagbigyan lamang ang mga Koreano.
Sinabi pa ni Balanoy na napansin nila na ilan sa mga high-end na merkado at pop-up stores sa Cebu ay tumigil nang umorder mula sa mga magsasaka ng strawberry sa Benguet.
Sinabi niya na muling hahantong ito sa malaking pagkalugi sa mga mgasasaka gaya ng nangyari sa mga magsasaka ng gulay at mangangalakal sa smuggled na mga gulay na bumaha sa lokal na pamilihan.
Hinimok ni Balanoy ang gobyerno na bawiin o kanselahin ang permit na nagpapahintulot sa pagpasok ng mga Korean strawberry.
(AAD/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon