MAHIGIT 5.5K TRABAHO ALOK SA DALAWANG ARAW NA LABOR DAY FESTIVAL SA ILOCOS SUR

VIGAN CITY, Ilocos Sur

Puspusan ang paghahanda ng Provincial Government of Ilocos Sur at ng Department of Labor and Employment (DOLE) Ilocos Region kasama ang iba pang sangay ng gobyerno sa gaganaping 181st Labor Day Festival sa Mayo 1. Sa ginanap na press conference nitong Lunes, inanunsyo na magtatagal ito hanggang Mayo 2 kung saan ang pangunahing aktibidad ay ang ika-apat na edisyon ng One Ilocos Sur Job fair at One-StopShop ng iba’t ibang mga ahensya.

Ayon kay DOLE Regional Director Exequiel Ronie A. Guzman, higit limang libong trabaho ang iaalok ng mga local employers, at higit limang-daan naman ang oportunidad para sa overseas employment. Higit kalahati o 55% sa mga bubuksang trabaho ay sa industriya ng Information and Communication o Business Process Outsourcing, at higit 19% naman sa wholesale at retail trade.
Maliban sa mga nabanggit ay may mga trabaho ring alok mula sa mga sangay ng pamahalaan, sa industriya ng edukasyon at sa konstruksyon.

Dagdag ni Guzman, maaaring makilahok ang mga college graduating students gayundin ang mga nagtapos ng K-12 curriculum. “We will talk to the employers to accommodate the soon to graduate jobseekers because we know that we are short of workers. Itong 5,000 nga na job vacancies baka ang estimate natin na pupunta ay nasa 2,000,” ani Guzman. Dagdag pa niya ay nakikipag-ugnayan ang DOLE sa Department of Education (Deped) para imbitahan din ang mga graduate ng K-12.
Aniya, “employable na sila, pati mga senior citizens ay pwede ring makilahok basta hindi hazardous ang trabaho.”

Para sa mas mabilis na proseso, maaaring mag-preregister ang mga interesadong aplikante sa QR code na makikita sa kanilang mga opisyal na social media pages. Kasabay ng jobs fair, mamimigay ang DOLE ng financial assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng iba’t ibang programa gaya
ng TUPAD, Government Internship Program at iba pa na aabot sa mahigit 79 milyon piso.

(ATV-PIA Ilocos/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon