Umiinit ang tunggalian ukol sa Brgy. Malico, isang bulubunduking pamayanan na animo’y Baguio City ang klima at pisikal na itsura. Ayon kay Pangasinan Gov. Ramon Guico III, sa bayan ng San Nicolas ang Malico dahil simula’t
sapul pa ay nakapaloob na ito sa naturang bayan ng Pangasinan. Naglaan na nga ang Pangasinan ng P200M para sa pagpapa-unlad ng Malico upang maging “Summer Capital” ng probinsya.
Himutok naman ni Nueva Vizcaya Gov. Jose Gambito mistulang squatting ang pamumustura ni Gov. Guico at
iwinawagayway na Nueva Vizcaya Electric Cooperative ang nagseserbisyo sa Brgy. Malico. Hinamon pa ni Gov.
Gambito na mag-aral munang magsalita si Gov. Guico ng katutubong wikang Kalanguya bago angkinin ang Brgy. Malico. Sagot naman ni Gov. Guico, “hindi lenggwahe ang basehan ng pagma-may-ari sa isang lugar kundi ang kasaysayan nito”, sabay ng paghamong mag-allocate din ang Nueva Vizcaya ng P200M upang ipakita ang pagmamalasakit nito sa Brgy. Malico.
Hanggang ngayon, nakapaloob ang mga pampublikong eskwelahang elementarya at sekondarya ng Malico sa
Pangasinan Second Schools Division. Totoong unang nabuksan ang kalsada mula Santa Fe, Nueva Vizcaya papunta sa Malico. Ang 23-kilometer Pangasinan segment ng Villaverde Trail (Pangasinan Nueva Vizcaya Road) ay nagawa lamang nitong 2020 na bumabagtas sa Caraballo Mountains mula Brgy. Santa Maria East sa San Nicolas, Pangasinan hanggang Brgy. Imugan, Santa Fe, Nueva Vizcaya.
Nasarahan ito noong 1980s dahil sa hirap imantina at kawalang gumagamit sa kalsada at napalala pa noong lindol ng July 16, 1990 na nagdulot ng maraming landslides at road cuts. Gamit ang sasakyang de motor, matutonton ang Malico mula sa San Nicolas sa pamamagitan ng apat na oras na byahe mula Tayug, San Quintin at Umingan sa Pangasinan, hanggang Lupao at San Jose City, Nueva Ecija. Ano ang tunay na dahilan bakit pinag-iinteresan ang Malico? Sa panig ng pamahalaan, paano reresolbahin ang sigalot na hindi maisasakripisyo ang kapakanan ng
mamamayan ng Malico?
August 10, 2024
August 10, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
August 31, 2024