Manalo nawa ang pinakamagaling

Editorial

Ang mga “rank-and-file” na mga empleyado ay ang mga gulugod o pundasyon ng isang kompanya. Walang magagarang titulo sa kanilang mga business cards – kung mayroon man silang business cards o ni ang salitang “manager” sa kanilang job descriptions, sila ay mahahalagang manggagawa na walang magagawa ang kompanya kung wala sila.

Sa katunayan, ang isang kompanya na nawalan ng “rank-and-file na mga empleyado” nito ay mawawalan ng negosyo na masasabi mong mas mabilis malugi.

Isa ring katotohanan na kahit nasa rank-and-file ang isang empleyado ay maaari din itong mangarap na umangat at makatikim ng promosyon sa posisyon, katunayan ay marami nang mga kuwento ng karanasan ng mga umaseno at narating ang minimithing tugatog ng tagumpay at naging matataas na opisyales sa kanilang organisasyon o kompanya sa pribado man o sa gobyerno. “Rose from the ranks”, ika nga.

Ngunit ang ilang mga nangarap na makamit ang inaasam-asam na posisyon ay biglangnauudlot bagaman abot-kamay na nga minsan dahil sa malakas na puwersa ng impluwensiya at pulitika sa mga proseso ng pagpili at pagtatalaga. Umiiral ang sistema ng “bata-bata” kung saan itinatalaga ng mga nasa kapangyarihan ang kanilang “manok” dahil na rin sa iba’t-ibang rason, ngunit kalimitan ay dahil sa pabor at pagtanaw ng utang na loob kapalit ng “katapatan”.

Isang malaking kabiguan para sa isang matagal na sa kompanya at nasa career service na biglang maglaho ang pangarap na abot-kamay na dahil sa pangingi-alam ng mga nasa poder at italaga ang kanilang napupusuan na kaalyado.

Ang Benguet Electric Cooperative (BENECO) na isa sa pinakamatatag na kooperatiba ng elektrisidad sa bansa ay nahaharap sa “krisis sa liderato” matapos ang ginawang endorsement  ng Board of Administrators (BOA) ng National Electrification Administration (NEA) kay Atty. Anna Marie Banaag Rafael, assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na maging susunod na general manager sa halip na isang beterano sa power distribution industry ng bansa na si Engr. Melchor Licoben na may halos 30 taon nang nagsilbi sa Beneco.

Nauna nang itinalaga ng Beneco Board na general manager si Licoben sa bisa ng Resolution No. 2020-90 na may petsang Abril 21, 2020 at Resolution No. 2020-190 na may petsang Agosto 23, 2020 na sinasabing hindi na kailangang bakantehin ni Engr. Licoben ang kaniyang posisyon na pansamantala at nabigyan ng mga kopya ang NEA sa nasabing resolution ngunit hindi nag-isyu ang ahensiya ng anumang kautusan na bakantehin ang kaniyang posisyon bilang officer-in-charge.

Parehong may angking kakayahan ang dalawang nagtutunggali sa posisyon ng general manager ng Beneco, si Rafael na bagama’t hindi isang inhenyero ay isang abogado, naging mayor ng bayan ng Natonin sa Mountain Province, naging graft investigator ng Office of the Ombudsman, may Master’s degree at maraming taon ng supervisory experience upang maging kuwalipikado siya sa posisyon. Pareho daw silang may mabuting hangarin para pangunahan ang Beneco.

Anuman ang kahihinatnan ng sigalot na ito sa liderato ng Beneco, na sana’y maresolba ayon sa pinakamataas ng antas ng paghuhusga at pananaw ng mga may kinauukulan at malutas ito sa pinakamadaling panahon dahil kung hindi ay manganganib ang operasyon ng kooperatiba ng elektrisidad at maapektuhan ang daang-libong member-consumer nito.

Hindi lingid sa atin na maraming kinakaharap na problema ang kooperatiba na kailangan pa ring ayusin upang hindi lubos na masira ito na maglalagay peligro sa pagbibigay ilaw at kuryente sa mga mamamayan ng Cordillera.

Kung sino man ang magwagi ay inaasahan ng mga apektadong member-consumers na silang tunay na nagmamay-ari sa kooperatiba na mapamahalaan ng mabuti ito at igiya sa mas maunlad pa at tuloy-tuloy na serbisyo