Mangingisda nalunod, patay

BOKOD, BENGUET – Isang mangingisda na nawala ng isang araw, ang natagpuang patay sa ilalim ng tubig sa reservoir ng Ambuklao Dam, Bokod, Benguet.
Ayon sa Bokod Municipal Police Station, dakong 4:30 ng hapon ng Oktubre 4 nang ipaalam sa kanila ni Christopher Smith Lachica, na natagpuan na ang kanyang nakakatandang kapatid na si Roberto Lachica,54, sa Ambuklao Dam.
Sa imbestigasyon, noong Martes dakong ika-2 ng hapon, sina Christopher at Roberto ay nasa reservoir ng Ambuklao dam habang sakay ng kanilang bangka. Bago umano umalis sa lugar si Christopher para umuwi ay sinabihan siya ni Roberto na pupunta siya sa Sitio Binaljan, Barangay Nawal, Bokod, Benguet, para dumalo sa libing ng kamag-anak.
Makalipas ang isang oras ay bumalik si Christopher sa dam at nakita niya na tanging bangka na lamang ang nakalutang sa tubig at wala na ang kuya niya. Nag-alala ito kaya humingi ng tulong sa tiyuhin at anak na si Romy para hanapin ang biktima sa paligid at ilalim ng tubig, subalit hindi nila ito nakita.
Ipinagpatuloy nila ang paghahanap kinabukasan, kasama ang mga rescuer at nakita ang biktima sa ilalim ng tubig, di-kalayuan sa kinaroroonan ng bangka na nakitang nakalutang. ZALDY COMANDA

Amianan Balita Ngayon