MANIGONG BAGONG TAON

ISANG BAGONG umaga ang bumulaga sa atin ngayong araw ng Linggo. Unang araw ng isang bagong taon. Sa marami sa atin, parang tatamadtamad pa tayo sa pag-bangon. Mahirap nga naman na pilitin natin ang katawang inumaga sa pagsalubong kagabi sa taong dumarating. Inumaga dahil sa walang puknat na kwentuhan, bidahan, pagsasaya, habang nilalaklak ang alak na bumubuhos, itinatagay, isinasalasak sa bibig, masabi lang na may pakikisama.

Gising na, bangon na, ahon na. Salubungin mo ang bagong Haring Araw, gayong nanunuot ang ginaw ng panahon. Mula ulo hanggang talampakan, balot ng kahit na anong madudukot sa baul. Dobleng kumot, tripling medyas na hanggang tuhod. Lahat na ginawa nating taga Baguio, mabawasan man lang kahit kaunti ang lamig na hanggang buto ay nanunuot.

Mula pa ng bisperas ng Pasko, binulaga an gating mga kamalayan sa ginaw na hindi naman naramdaman nitong mga huling dalawang taon. Oo nga naman. Tanda pa natin na ngayon lamang para tayong binabalot ng lamig. Sabi nga ng barber ko, “Naka full blast ang air-con ng Baguio!” Kaya naman, kahit na halos baluktot na tayo sa pagyakap ng anumang maibabalot sa katawan, hindi kataka-taka na manatiling nakagapos sa kama o banig, anumang ang katayuan sa buhay.

Kaya naman, tumayo na at bumangon. Iwaksi ang lamig dala ng hanging Amihan na galing pa ng Siberia. Kung nitong mga huling araw, nasa 13 at 12 ang temperature, lalo pang babagsak iyan sa mga susunod na araw. Di ba’t mga Enero taon-taon lalo pang babagsak ang temperature? Kaya naman, dahil sa papatapos na ang Pasko – sa a-6 ng bagong buwan ng Enero ay Araw ng Tatlong Mago — ibuhos na natin ang anumang init na maaaring paghugutan ng mga aginaldong hindi pa naibibigay.

Kung me nagkakaroling pa, kahit disintunado, kahit na walang papel na tunay mong inaanak ang nangunguna, ibigay na sa kanila ang naiiwan pang regalo. Ang sabi nga, ang Pasko ay pagbibigayan. Pagbigyan na sila. Magpatawad sa anumang kamaliang naranasa sa dumaang taon. Pairalin ang pagmamahal na siyang simbolo sa Navidad ng Bethlehem na nagbigay daan para mangyari ang Kalbaryo.

Ngayong Bagong Taon, gawing ugali na ang kabutihang handog sa sangkatauhan ng isilang ang Sanggol sa Sabsaban. Ang Sanggol ang aginaldo sa atin ng kanyang Ama. Gawin nating regalo ang
ating mga sarili sa kanyang pagsilang. Kung ang Tatlong Hari ay nagkusang baba ng loob upang
ibigay ng personal ang kanikanilang mga aginaldo, sino tayong aba ang loob na taasnoo pa ring hindi maibaba ang ulong pinalaki ng yabang?

At habang narito pa ang mga kamag-anak na OFW, namnamin ang presensya nila, yakap-yakapin ang mga sandal na sila ay nasa ating nagmamahal na piling. Si Nanay at Tatay na nagbubuwis ng
dugo, pawis, at luha sa ibang bansa, lalo na sa mga bayang matindi ang kultura ng pagmamalabis sa mga dauppalad na binubuno ang mga taon upang maisalba ang sariling pamilya sa hampas ng
paghihirap.

Si Kuya at Ate na swerteng nakakuha ng trabaho sa mga maunlad na kabihasnan, aalis na naman. Muli, buong galak natin silang isabay sa pagsasaya, pagbibidahan, pakikipagtunggaan, maski na iisa ang basong pagtatagayan. Ngunit ang mga maralitang dampa na hilahosdsa lahat ng pangangailangan, at siyang dahilang kung bakit si Tatay o Nanay, at si Kuya o Ate ay walang tulugan na sasamahan, ang muling handaan ay puputok na naman sa tuwa, halakhak, at bidahan.

Kung ang hapag ay kuwatro kantos lamang ang umiikot, at salat sa pulutang napapangarap lamang, sulit namank naman sa kwentuhan ang maliit na salang kanilang muling pagtitupunan. Ngayon ang unang araw ng unang taon ng ating paglaya sa pandemyang kinatakutan ng lampas dalawang taon. Gawin nating maganda at luntian at nakababasag na saya ang mga araw na darating. Tulad ngayon at kahit noon pa man, ay baguhin na natin ang larawan ng katayuan ng bansa, anuman ang panahon.

Iba ang handaan ng mahirap, at angat sa kasaganaan ang kay mayaman. Iisa lamang ang bumibigkis sa lahing Pinoy kapag yinayakap ang pagdating ng isang bagong umaga, isang bagong araw, isang bagong taon. Tayo ang simpleng aginaldong handang ialay sa pag-angat ng buhay. Maaaring gawang-kamay lamang o nabili sa malaking shopping mall, walang dipersensya kung tapat namang galing sa pusok dalisay ang nasang maiangat ang katayuan, una ng pamilya;
pangalawa ang mga kaibigang salat sa pansin; at huli man, ang bayang nagangailangan ng kalingang may halaga sa muling pagbangon. Manigong Bagong Taon sa isang panahong binabalot ng ginaw. Ang init sa atin ang siyang paghuhugutan upang magbigay liwanag sa mga darating na araw.

SURVIVORS

Amianan Balita Ngayon