Manny Pacquiao… For President???

Daplis Walang Mintis

SUSMARYUSEP!!!Bagong kontrobersiya muli, pards. Marami ang nagulantang kamakailan nang lumutang ang ulat na gusto raw tumakbong presidente ng bansa si Senador Manny Pacquiao. Talagang marami ang gulat dahil hindi raw inaasahan. He he…ala-ala ko pa sa taong ito…na may nagpapalutang ng ulat noon na parang kinokonsidera ni Sen. Pacman ang pagtakbo bilang pangulo sa darating na eleksiyon.

Sabagay, basta’t kuwalipikado, lahat puwedeng tumakbo, gumapang o lumipad kung gusto nila. Pero teka lang pards…ano kaya ang reaksiyon ng mga botante dito?
******
Baka raw nagbibiro lang si Sen. Manny…sabi ng isang tsismosa. Sabagay, wika naman ng isang maka-Manny na malay natin baka daw siya ang makaka-solve sa mga problema ng bansa. Anong problema? Sa sports? Sa boksing?

Papano ang ekonomya at mga kauring problema natin sa kasalukuyan? Upak naman ng ilan: huwag sanang maliitin ang kakayanan ng bawat tao.

May kanya-kanya daw tayong kakayanan. E, bakit daw si dating Pangulong Magsaysay. Isa lang mekaniko pero naging mahusay na Presidente ng bansa…ang kaso, napaaga ang kanyang kamatayan dahil sa aksidente ng eroplano.

So…nasa pamumuno yan, pards, sabi nila. Hindi ka naman nagsusulong ipiloto ang buong bansa, daplis ng ilan. May ibang mga opisyales naman ng pamahalaan ang magiging katuwang mo sa pagriyenda.
******
Sipa naman ng ilan: hindi pa raw siya hinog. Marami pa raw siyang iinuming tubig kumpara sa mga matagal ng mga pulitiko na may ambisyon ding maging pangulo. Nariyan sina Drilon, Lacson, Robredo, Gordon at marami pang iba kasama na si Mayor Inday Sara.

Sabagay, mayor noon si Pres. Duterte nang tumakbo pero nanalong pangulo. Sabagay, nguso ng ilan…na talagang malaki ang tulak ng karanasan upang mas maging matibay kang pangulo…yong may panga, kamao at paninindigan.

Hindi uobra ang marami kang natulungan at mababa ang loob. Kailangan ng tikas o tigas ng paninindigan tungo sa pagunlad. Hindi lalamyalamya. Hindi raw yan makukuha sa kasikatan ng pangalan. Marami raw sikat na mga personahe ngunit sa trabaho, wala namang binisa. In short…ang isang kalidad ng isang mamumuno sa isang bansang magulo at maraming problema ay yong taong may “balls”.

Huwag na nating itagalog pa ang “balls” baka batuhin tayo ng kondom. NGAK. Hindi raw mangungurakot si Pacman dahil mapera na siya. Pero tao lang siya, sipa naman ng iba. Madali tayong magbago sa kinang ng salapi. Masyadong maselan ang trabaho ng isang pangulo.

May itinapik pa nga na si “Yorme” daw ng Maynila ay puwede ring ikasa sa posisyon dahil kita naman ang kanyang ginawa na pagbabago sa imahe ng Maynila. May prueba na. Pero ewan natin kung may ambisyon din siya sa pagkapangulo. Pero teka lang, pards…di ba may usap-usapan ding lumutang na puwede ring tumakbo si Inda Sara na anak ni Pres. Digong.

Marami na rin siyang napatunayang ginawa sa Davao at kilala na siya sa buong bansa. Nakakatuwa nga ang kontrobersiyang ito sa bansa natin, pards. Sakaling magkatotoo…baka mga babae pa ang magkakatunggali sa pagka Pangulo. Nariyan sina Inday Sara Duterte, Sen. Grace Poe, Vice Pres. Leni Robredo. Pero medyo tumapik yata si Pres. Digong na mag-isip-isip muna si Pacman sa pagtakbo.

Hmmm…parang may nasisilip tayong eksena. Kasi, sakaling tuloy sina Manny at Sara…mahahati ang buto ng mga taga-team-Duterte. Tiyak makakalamang ang ibang kandidato na buo ang boto. Oo nga hane! Haayyy maselan nga ang usaping ito. Abangan na lamang ang susunod na kabanata. Adios mi amor, ciao, mabalos!