MARAMI NG BATAS SA SQUATTING, IPATUPAD NA LAMANG ITO

Muli ay nakakaalarma ang muling paglusob ng mga ilang iskwater sa Busol at Buyog watersheds na kapuwa opisyal na deklaradong forest reservation areas at pangunahing pinagmumulan ng malinis na maiinom na tubig para sa mga mamamayan at residente ng Lungsod ng Baguio. Ang Busol watershed ay sakop ng Proclamation 15 noong Abril 17, 1922 na tinukoy ang lugar bilang isang forest at water reservation, samantalang ang Buyog watershed ay idineklarang isang forest reserve ng Proclamation 93 noong 1992.

Kamakailan ay natuklasan ng mga awtoridad sa kanilang pinaigting na pagpapatrolya sa Busol at Buyog watersheds ang nasa 10 kasalukuyang mga iligal na konstruksiyon sa nakalipas na tatlong linggo na ngayon ay nakasalang na sa demolition proceedings. Napag-alaman ng City Buildings and Architecture Office (CBAO) Investigations Division na may kabuuang walong istruktura ang natuklasan sa Busol watershed dahil sa pagpapatrilya ng Baguio City Police Office (BCPO) Station 6, samantalang dalawa malalaking konstruksiyon ang natuklasan sa Buyog watershed.

Inutusan ni Mayor Benjamin Magalong ang Anti-Squatting and Anti-Illegal Structure Committee (ASAISC) na madaliin ang proseso ng demolisyon base sa naitatag na mga pamamaraan para sa mga konstruksiyon na ipinatayo o ipinapatayo sa mga protektadong lupain gaya ng mga watershed at forest reservations. Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng lungsod laban sa mga iligal na konstruksiyon ay naunang iniutos ni Mayor Magalong ang regular na pagpapatrolya sa Busol at Buyog watersheds bilang isang panghadlang laban sa squatting na nagpapatuloy na banta sa natitirang mga forest reservation.

Nagpapatuloy daw at umiral ang kampanya sa buong lungsod. Ang mga kasalukuyang konstruksiyon sa natuklasan sa mga protektadong lugar ay agad ininderso para sa demolisyon habang ang natuklasan sa mga pribadong lote ay inisyuhan ng cease and desist orders at inutusan ang mga may-ari na kumuha ng mga building permits at iba pang requirements. Upang sugpuin ang mga iligal na konstruksiyon sa lungsod ay pinaigting ang agresibong kampanya sa anti-squatting at panagutin ang mga lumalabag sa National Building Code at mga batas sa kalikasan.

Upang maisakatuparan ito ay binuo ni Mayor Magalong noong Marso ang isang grupo na Baguio Anti-Squatting and Illegal Structures (BASIS) upang magsagawa ng mga inspeksiyon at tukuyin at ipatigil ang mga konstruksiyon na hindi nasasakop ng mga kaukulang permit. Binubuo ang BASIS ng mga personnel mula sa City Buildings and Architecture Office (CBAO), ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO), ng City Legal Office, ng City Engineering Office (CEO) at mga deputadong environment officers ng Baguio City Police Office (BCPO).

Sa isang bansa kung saan ang kahirapan ay isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap ng gobyerno, hindi tayo maaaring magbubulag-bulagan sa mga iskwater na maliwanag at dimaikakailang patunay na kailangang may dapat gawin upang mahanapan ang mga taong ito ng
isang mas mabuting mahaponan. Ang mga nakalipas at kasalukuyang administrasyon ay
nagpatuloy na hukayin ng mas malalim ang pinakaugat na sanhi ng lumalaking bilang nga mga
iskwater sa lungsod.  Subalit sa mga kadahilanang sila lang ang nakakabatid ay tila walang natalos. Tuwina’y nagpapasiklab pa ito ng kontrobersiya at turuan.

Sa pag-asang maibigay ang pantay na mga karapatan sa mga mas kapus-palad ay binago ng Republic Act 8368 o ang “AntiSquatting Law Repeal Act of 1997” ang Presidential Decree No. 772, ang PD na nagbigay parusa sa squatting at sa pagpapawalang-bisa sa dating PD, ang squatting ay ipinalalagay na hindi isang krimen (non-crime) dahil sa katotohanan na ang mga iskwater mismo ay mga biktima rin ng kawalang-katarungan at hindi pantay na sistemang panlipunan.

Bagaman kinikilala ng Philippine Commission on Human Rights ang hustong pabahay bilang isang pangunahing karapatang pantao at nagbibigay gabay para sa makataong pagtrato sa mga informal settlers ay kailangan ding tingan ang kapantay na mga batas ukol sa mga problema sa informal settlers. Andiyan ang Republic Act No. 7279 o ang Urban Development and Housing Act kung saan nakasaad sa Section 27 ng batas ay binibigyan kahulugan ang mga aksiyon laban sa Professional Squattera at Squatting Syndicates.

Sa ilalim ng batas, ang mga local government unit sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police, ng Presidential Commission for Urban Poor (PCUP), at ng mga PCUP-accredited na urban poor organization sa lugar ay gagawa ng mga pamamaraan upang tukuyin at epektibong sugpuin ang masama at iligal na mga aktibidad ng mga professional squatter at mga sindikato sa squatting.

Sinumang tao o grupo na tinukoy bilang gayon ay agad palalayasin at ang kanilang mga tirahan o istruktura ay gigibain, at magiging diskuwalipikado na makakuha ng mga benepisyo ng programa sa pabahay. Marami na tayong batas, tunay at tapat na pagpapatupad na lamang ang kailangan. Dahil kung walang implementasyon ng batas, patuloy ang habulan – parang pusa’t daga na paikotikot lamang.

Amianan Balita Ngayon