Maraming Pinoy ‘naghihirap’ daw! Owwss?

Daplis Walang Mintis Opinion

Sa pinakahuling Social Weather Station (SWS) survey kamakailan, lumabas na may 52% ng pamilyang Pinoy ay
naghihirap o turing ang kanilang sarili na ‘mahirap’. Ito ay sumabay pa sa panahon na matataas ang presyo ng mga
bilihin, kulang ang supply ng isda, karne, bigas, at maraming iba pang produkto. Idagdag pa natin ang muling pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na sinabayan din ng mga alitang pampulitika at pangkapayapaan lalo na sa mga programang may kinalaman sa droga, krimen at korapsiyon. Natural lang, sabi ng iba na tuliro
din ang utak ng mga natanong sa naturang survey, kaya ang resulta ay dumami pa ang naghihirap sa bansa kumpara sa naitalang resulta ng survey noong Hunyo, 2018. Sige mga pards, tayong kikilatis sa isyung ito para sa kapakanan ng madlang people.

**********

Sa 52% na sinasabi ng SWS survey na itinuturing ang kanilang sarili bilang ‘mahirap’ base sa 3rd quarter survey, lumalabas na may 12.2 milyong pamilyang Pilipino ang apektado ng kahirapan sa ngayon. Ang survey ay ginanap sa buong bansa kung saan ang pinakamaraming naghihirap daw ay sa Mindanao kasunod ang Luzon. Hindi gaanong
nagbago ang ratings sa Visayas. Lumalabas sa Self-Rated Poverty Threshold (SRPT) na kailangan ng mga pamilya kada buwan ng P15,000 sa Luzon, P10,000 sa Visayas at P10,000 din sa Mindanao para ‘hindi’ maikonsidera ang sarili bilang ‘mahirap. Umakyat din sa 36% o 8.5 milyong Pilipino ang nagsabing sila ay ‘Food-Poor’ o salat sa pagkain. Ang survey ay ginawa sa pamamagitan ng ‘face-to-face’ interviews sa 1,500 Filipino adults sa buong bansa. At sa lumabas na resulta, kumbinsido kaya ang buong bansa o may duda at hindi naniniwala? Kayo ang aming
tatanungin, ano ang inyong reaksiyon?

**********

Sa paghihimay na aming ginawa katulong ang maraming reaksiyon ng ating kababayan, narito ang ilang mensahe at mga katanungan: Meron ba tayong kababayan ang magsasabing siya ay yumayaman o naging matagumpay ang kanyang negosyo kung sila’y tinatanong? Di ba raw kahit maalwan na ang buhay ng isang tao o pamilya ay hindi niya ito ipinangangalandakan o ipinagyayabang. Kung meron man, talaga raw mahangin at super yabang. Kadalasan sa
mga ating natatanong kung kumusta na ang kanilang buhay o negosyo, laging sinasabi na “mahirap at marami silang gastos at kaunti lang ang kita”. Sabagay, praktikal lang mga pards na kahit nakakapag-ulam ka ng masasarap at walang problema sa pamilya, kapag may nagkumusta sa iyo, laging ang sagot natin ay “ayos lang naman, nakakaraos kahit papaano”. Sa mga katagang yan mula sa na-interview, otomatikong tatakan o isusulat ng nag-interview na sila nga ay ‘naghihirap’ di ba? Lalo pa ngayong panahon na mahal na ang lahat ng bilihin, kahit pa mayaman ang tatanungin, ang sagot niya’y ‘naghihirap pa rin’ at may punto pang sisisihin ang gobyerno, di ba?

*********

Kung ganon, base sa ilang mga reaksiyon kapag kinukumusta ang lagay ng buhay nila, lalabas na praktikal na ang
isasagot ng natanong ay ‘mahirap’ sila, di kaya ganito yon pards? Di kaya lagi nating sagot ay ‘mahirap’ ang buhay kasi di pa tayo kuntento sa nakamit natin sa ating mga pangarap. Ang isang ehemplo ay ang mahahabang pilahan sa mga lotto outlets at gustong makaangat sa buhay sakaling manalo ng Bilyong premyo. Maski na ang mga may kaya sa buhay ay tumataya dahil mayron pa silang mga pangarap na di pa natutupad. In short kapag nakumusta, natural ang sagot ay “hirap kasi ng buhay eh.” So, suma-total, marami nga talagang nagsasabing sila ay ‘mahirap’. Panghihimay lang ito, mga pards. Kayo na ang humatol, bayan. Adios mi amor, ciao, mabalos.