Maraming sana tuwing eleksiyon, kilatisin!

Bisperas na ng Barangay at SK election. Handa na kaya lahat ng mga botante? At tiyak, parang mga maamong tupa lahat ng mga kandidato na lumalapit sa mga kabarangay. Kamay dito, yakap doon, kaway, ngiti at lahat ng bagay ay ginagawa upang mapansin ang mga tumatakbo. Kulang na lang na manikluhod upang makahatak ng simpatiya o tiwala. Marami naman ang naniniwala kahit may mga nagkikibit-balikat lang na parang binobola. At ang matindi, naroon pa rin ang gawing depende sa lagay! Na ang ibig sabihin, aagos ang gastusan. Sana legal lahat. Kaya dahil sa mga palamuti ng eleksiyon narito ang ilang SANA bilang tapik ng daplis.

**********

Una sa lahat, SANA… bumoto lahat ng rehistradong botante bukas. Huwag pagagamit sa mga nakakademonyong paninilaw ng mga kandidato o supporters upang maging legal at makatotohanan ang bawat boto. Iwasang maging flying voters kahit pa tapalan ka ng limpak na pera. Di natin batid kung saan galing ang perang yan. Baka madadawit ka pa at mapapahamak sa kanilang kagagawan. Alalahanin nating may mga batas pang-eleksiyon at handang magparusa sa mga susuway.

**********

Ikalawang SANA… huwag sanang makialam ang mga nakaupong opisyal ng lokalidad, bayan, siyudad o probinsiya. Hindi kasi lingid sa madla ang mga eksenang may katas diumano at basbas o bendisyon mula sa mga nakaupong opisyal (hindi sa nilalahat) upang masuportahan ang kanilang minamanok na mga kandidato sa Barangay at SK. Kaya raw ganyan ang gawi ng ilang pasaway ay upang kung mananalo ang kanilang natulungang kandidato sila ang magiging tagahatak naman ng boto sa kanilang kandidatora sa eleksiyon-nasyonal. Tiyak marami ang magkakaila at iismid ngunit may damdamin, mata, teynga at bibig ang mga botante. Hindi sila makakapagkaila. Hindi sila maaaring bolahin lalo na ang mga matuwid at hindi nasisilaw sa ano mang pangako o sumpa.

**********

Ang ikatlong SANA… ay ang pakikialam ng mga grupo o indibidual na maaaring pagmulan ng karahasan. Sana sa tulong ng mga otoridad ay maiwasan ang takutan, dayaan, puwersahan, karahasan na magreresulta sa madugong mga eksena na maaaring makasira sa malinis na eleksiyon. Sana hindi iiral ang gold, goons and guns sa eleksiyong ito. Hangad ng nakararami ang malinis at tahimik na eleksiyon. Sabi nga ng mga matatanda, kay sarap tanggapin ang resulta ng eleksiyon na walang protesta. Ang multo kasi ay…. kung may nanalo, pinagbabantaan ng natalo. Nadaya raw sila. Sagot naman ng nanalo, walang katotohanan kahit pa may recount.

**********

Ang dagdag pang mga SANA: Iboto ang mga karapatdapat, hindi kumo kamag-anak, kaibigan, o nagpatikim ng grasya. Ito na ang pagkakataon nating walisin ang mga kurakot na ang bulsa lang ang kilalang kaibigan at sinisilbihan. Iluklok ang mga may malinis na hangaring manilbihan sa bayan nang walang kapalit. Iboto ang mga kandidatong may takot sa Diyos at di madaling mademonyo. Pagkatao, pagkasino, platapormang makatotohanan, ang ilan lamang sa dapat na gamiting basehan sa pagpili. Wala sa itsura at talentong ipinamalas ang pondasyon ng pag-unlad kundi sa taos-pusong serbisyo pag nahalal.

**********

SANA…may dinaanan ang mga pahapyaw ng Daplis mga kabarangay. Alalahanin mo…ang boto mo ay hindi lang para sa iyong kandidato, hindi lang para sa iyo kundi para hinaharap ng barangay, bayan, probinsiya at buong bansa. Kaya, BOTO MO…ALAGAAN MO! Adios mi amor, ciao, mabalos!

 

Amianan Balita Ngayon