“Marcos Day” sa Ilocos Norte, Bakit di Pagbigyan?

Opinion

Muling umusok ang mga bumbunan ng mga galit kay dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos nang paburan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na
nagdedeklara sa September 11 bilang “President Ferdinand Edralin Marcos Day” at isang holiday sa probinsiya ng Ilocos Norte kung saan isinilang at lumaki ang ika-sampung Presidente ng Republika ng Pilipinas.

Sa botong 197 na sumang-ayon na mambabatas laban sa siyam na kumontra ay naipasa ang House Bill 7137. Tinututulan at kinokondena ng mga ilang progresibong grupo, human rights group, mga naging biktima ng Martial Law, mga mambabatas at ilang mga lider ng simbahan ang hakbang na magkaroon ng isang araw na paggunita sa kaarawan ng dating Pangulong Marcos.

Ito raw ay sukdulang pagyurak sa nakamit na tagumpay ng EDSA Revolution at paghamak sa mga naging hirap at sakripisyo ng mga biktima ng Martial Law. Taliwas daw ang nasabing panukalang batas sa layunin at diwa ng Republic Act No. 10368 na ipinasang batas noong 2012 na kumikilala sa mga paglabag sa karapatang pangtao sa ilalim ng rehimeng Marcos at nagbibigay ng bayad-pinsala sa mga biktima.

Hindi ba’t matagal ng patay ang dating pangulo at nakuha na ng mga umano’y biktima ng Martial Law ang kanilang hinihingi? Binabawi na at may mga nabawi nang mga diumano’y nakaw na
kayamanan? Nagtagumpay na ang mga kalaban ng mga Marcos na masira at maging tila demonyo ang pangalan na ito?

Bakit nila ipagkakait ang pagkakataon at pagnanais na gunitain ang kaniyang kapanganakan ng mga kababayan niya at kapuwa Ilocano at bilang pag-alala na minsan sa kasaysayan ay nagkaroon ng isang Ilocano na taga Ilocos Norte na naging pangulo ng Pilipinas.

Kung ang mga taga Ilocos Norte nga ay hindi nagrereklamo sa panukala (marahil ay may mangilanngilan) ay bakit ang mga hindi tagaroon ang lubhang apektado at nagpupuyos sa galit? Sa Ilocos Norte lang naman ang holiday na ito, bagama’t sinasabi ng mga kontra na may malaking epekto pa rin daw ito sa buong bansa at malawak ang kahihinatnan.

Ang tanong bakit sila nangangamba sa magiging epekto ng isang “Marcos Day”? Dahil ba sa andiyan pa at kasalukuyang umaalingawngaw pa ang mga pangalan nina Imee at Bongbong?

Hayaan na natin na ang tao ang magpasiya, na kung inaprubahan naman ng Senado at walang pagkontra sa mga mamamayan lalo na ng mga residente ng Ilocos Norte, ay bakit batin ito pipigilan? Kung tunay na nais natin ang kapayapaan, ang tunay na demokrasya at rekonsilyasyon, bakit hindi natin simulan sa pagpapatawad at humakbang ng pasulong para sa ikatatagumpay ng bayan?

Hindi maitatuwa ang mga sugat na dulot ng nakaraan, ngunit ang pagpapatawad at paglimot ay siyang paghilom tungo sa mas magandang bukas.