Martial Law, preno o larga pa?

Daplis Walang Mintis Opinion

Preno na ba o larga pa ang martial law sa Mindanao, pagkatapos ng 60-days? Yan ang malaking katanungan ngayon. Buong bansa ang nagbalitaktakan  hanggang sa kasuluksulukan ng mga barangay. May nagtatalak upang masabi lang na may utak (daw) sila. May dumadada kahit walang alam sa kung ano talaga ang Martial Law. Gusto lang umeksena. May nagbubunganga dahil may plano sa hinaharap lalo na sa pulitika. May mga nagkikibit-balikat at ipinapaubaya na lamang sa gobyerno at tadhana ang kinabukasan ng bansa. Meron ding nakikipagdebatehan na at gusto nang maghuramentado. Meron ding mga henyo (kuno) na sandamukal na ang kaalaman sa isyu ng Martial Law. Pero ang supalpal ng marami: ang maingay na ilog, mababaw.  He he, bago kayo humatol at ma-highblood,  sige, himay-himayin muna natin ang mga eksena.

******

Nagdeklara ng Martial Law o batas military ang Pangulong Duterte noong Mayo 23 dahil sa nasilip na eksena sa Mindanao lalo na sa Marawi. Ibig sabihin na bago magtapos ang 60 days, dapat alam na kung magpapatuloy pa rin ito base sa legal na proseso kung saan idadaan muna ito sa kongreso. In short, kung hindi ito maaktuhan ng kongreso  bago matapos ang takdang panahon, preno na ang batas military. Kung sa Senado ang tatanungin, habang sinusulat ang espasyong ito, naghihintay pa rin sila ng report at hiling mula kay Pres. Digong. At bilang basbas, kamakailan lang, nagpalabas ang Korte Suprema ng pagkatig o pagpabor sa deklarasyon ng Martial Law sa botong 11-3-1 o labing-isang  Justices ang pumabor, 3 ang pumabor na sa Marawi  lang sana ang sakop ng batas military at isa ang kumontra. Sabi ng mga analyst: baka papabor din ang kataastaasang hukuman sa ekstensiyon kung sakali. Himayin pa natin, pards.

******

Mahigit sa 40-days ang bakbakan sa Marawi. Mahigit sa tatlong daang Maute-ISIS terrorists na ang napatay, mahigit sa tatlumpong sibilyan at mahigit sa animnapu sa panig ng gobyerno. May mga bakwit ding nasawi dahil sa iba’t ibang karamdaman. Ayon sa AFP, may mga barangay pa ring hawak ng mga Maute. At tiyak may hawak din silang mga sibilyan na ginagawang parausan (diumano) at utusan. Sabi nga ni Pres. Digong, hindi titigil ang opensiba ng gobyerno hangga’t hindi nauuubus ang mga terorista. May dagdag pa ngang isusunod o isasabay ding babanatan ang mga ASG, BIFF at pati na NPA. Kumpirmado ring napilayan na ang mga Maute dahil nadakip na ang ama at ina at ilang mga kaanak ng Maute bagama’t inaalam pa ng military kung nasa Marawi pa ang Maute brothers kasama si ASG leader Hapilon. Sinalakay na rin ng otoridad ang supplier ng armas ng Maute sa Batangas at bodega ng armas ng mga Maute sa Cagayan de Oro. Napakaraming bakwit ang nasa iba’t ibang evacuation centers, nawalan ng pamilya, hanapbuhay at tirahan. Pero papaano makaka-rehab ang gobyerno kung patuloy ang bakbakan at kung wala na ang bisa ng Martial Law? Kaya sabi ng analysts: dapat ipagpatuloy pa ang batas-militar.

******

Sa mga kaganapan sa ngayon sa Marawi at iba pang panig ng Mindanao na pinamumugaran ng BIFF, ASG at iba pang teroristang grupo, patuloy ang paghihirap ng mga sangkot o biktima. Itinataya ng mga taga-AFP at PNP pati na rescuers na sibilyan, mga nasa serbisyo medical at media ang kanilang buhay alang-alang sa bayan. Masasayang daw ang lahat kung titigil ang gobyerno sa sinimulang hakbang kontra terorista. Total, ika nila, kung tahimik na ang lahat, papaghilumin ang sugat at muling babangon ang labi ng digmaan. Yan naman ay ipinangako ng Duterte Administration. Sana sa dulo ng kadilimang ating tinatahak ay may naghihintay na liwanag. Sana. Adios mi amor, ciao, mabalos.