MAS MABUTING MAAGAP KAYSA MAGSISI

Sa isang pahayag ng Department of Health (DOH) ukol sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay nakitang hindi kailangan na muling ipatupad ang mandatory o sapilitang pagsusuot ng facemask na tuntunin. Sa ngayon daw, ang kasalukuyang polisiyang boluntaryong pagsuot ng facemask ay maaaring panatilihin hangga’t batid ng mga tao kung kailan dapat silang magsuot ng kanilang facemask. Gayundin ang isolation and quarantine policy sa bansa para sa COVID-19 ay hindi babaguhin sa kabila ng tumataas na bilang ng kaso.

Hindi daw dapat mabahala ang publiko sa pagtaas ng mga kaso dahil hindi naman daw kasing-taas ang mga kaso kumpara sa nakaraang mga taon ng pandemya. Taliwas sa pahayag ng DOH ay ipinag-utos kamakailan ni Mayor Benjamin Magalong ng Lungsod ng Baguio na ibalik muli ang sapilitang pagsusuot ng facemask sa “indoors” o loob ng mga gusali at matataong lugar. Sinabi ni Mayor Magalong na ang pagbalik muli ng tuntunin sa facemask ay isang hakbang na proaktibo o maagap na pagtugon upang mabawasan ang dumadaming bilang ng mga kaso ng COVID sa lungsod.

Sa kanilang pagtataya ay sinabi ni Magalong na magkakaroon ng tumataas na direksiyon para sa susunod na tatlo hanggang apat na linggo bago marating ang pagtalampas kaya kailangan daw maging mas mag-ingat tayo ngayon. Ang kautusang ito ng alkalde ay umani ng halo-halong reaksiyon mula sa mga residente kung saan ang ilan ay sumang-ayon sa hakbang ng mayor, samantalang ang iba ay naniniwala na may ibang paraan ng pag-iingat. May ilang nagsabi na nararapat ituloy ang pagsusuot ng facemask kung ang mga tao ay maliligtas mula sa sakit at masigurado ang kaligtasan ng bawat-isa.

Sinabi naman ng iba na kailangan ugaliin ang iba pang safety protocol para mabawasan ang paghawa ng COVID-19 kasabay ng pagsusuot ng facemask. Kalilangan pa ring gawin ang social distancing at magpabakuna mungkahi naman ng iba. Subalit maraming residente lalo na ang mahihirap ang nagsabing kailangang magbigay ang lokal na gobyerno ng suporta at magbigay ng libreng facemask, lalo na sa mga mahihirap na may iba pang bayarin.

Walang masama sa naging kautusan ni Mayor Magalong na ibalik muli ang tuntunin ng sapilitang pagsuot ng facemask sa loob ng mga gusali at matataong lugar dahil pangunahing katungkulan ng gobyerno na siguruhin ang kaligtasan ng mga mamamayan. Matagal na at marami na tayong karanasan sa COVID-19 na ito, na pabalik-balik at palit-palit ang mga variants, na kung saan sa kaunting pagkalingat at pagpapabaya ay muling dumarami ang nagiging biktima. Ang mahalaga ngayon ay maagapan ito bago lalong kumalat ito at nawa’y mas alam na ng gobyerno at mga kinauukulang mga ahensiya ang tama at mabilis na pagtugon dito.

Amianan Balita Ngayon