Mas maraming nawalan ng trabaho nabiyayaan ng TUPAD

LUNGSOD NG DAGUPAN – Mas maraming Pangasinense na nawalan ng trabaho dahil sa krisis dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang maaari nang makakuha ng livelihood program ng gobyerno.

Minadali ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang implementasyon ng Tulong Pangkabuhayan para sa Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) Program na nakahanay sa Barangay Ko, Bahay Ko (#BKBK) Disinfection and Sanitation Program upang tumugon sa masamang epekto ng COVID-19 sa mga manggagawa.

Ang TUPAD ay isang community-based package assistance na nagbibigay ng emergency employment sa mga displaced workers, underemployed at seasonal workers kung saan kahit 15 tao mula sa mga barangay ang maglilinis ng kanilang sariling barangay at tahanan.

Sa Laging Handa Public Briefing na isinampapawid sa PTV-4, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na ginawa ng gobyerno ang lahat upang makapagbigay ng pangkabuhayan sa lahat ng sektor sa panahon ng pandemya, kabilang ang formal sector, informal o self-employed workers at mga overseas Filipino workers (OFWs).

“Ang focus namin ay employment – na ang mga manggagawa natin ay hindi mawalan ng trabaho,” ani Bello sa live briefing. Sa ilalim ng programang TUPAD, binigyan ang local government units (LGUs) ng kalayaan na mag-qualify ng mga benepisaryo na mahigpit na ginagabayan ng mga parametro ng DOLE Administrative Order 108 series of 2016.

Sa Third District ng Pangasinan ay sinabi ni Rep. Rosemarie Arenas na maaaring makakuha ang mga benepisaryo ng programa ng kanilang cash incentives sa susunod na linggo.

“We have been working with DOLE to provide our disadvantaged or displaced workers the emergency employment though the TUPAD program. This is to provide them with extra means to support their families during these times,” ani Arenas sa kaniyang liham sa mga mayor.

Sinabi naman ni Rep. Christopher De Venecia ng fourth district ng probinsiya na 810 displaced workers ang natukoy sa limang LGU ng kaniyang distrito para sa unang batch ng mga benepisaryo ng TUPAD.

Ito ay nahati-hati sa 150 manggagawa bawat bayan ng Mangaldan, Manaoag at San Fabian; 100 para sa San Jacinto; at 260 benepisaryo sa lungsod ng Dagupan.

Sa Alaminos City ay dumating ang TUPAD program sa tatlong waves.

Ang unang wave ay mga tricycle drivers ang mga benepisaryo kung saan 55 sa kanila ang tumanggap ng PhP340 bawat araw sa loob ng 10 araw na may kabuuang PhP3,400 bawat driver.

“Ang second wave na galing sa pondo ng opisina ni Congressman Arnold Celeste ay para naman sa 151 na tourist boatmen sa Barangay Lucap kung saan naroon ang Hundred Islands,” ani Nejemias Racho, chief ng Public Employment and Services Office (PESO) ng lungsod.

Ang ikatlong wave na ipamamahagi sa Linggo ay ibibigay sa mga napiling karpinbtero,”taho” at ice cream vendors na pinaka nangangailangan ng ayuda, dagdag ni Racho.

VHS-PIA Pang/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon