Mas masaya ang Pasko kung ligtas at walang COVID-19

Sa inilabas na kautusan ng pambansang gobyerno at ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kailangan ng magsuot ng face mask at face shield sa lahat ng oras kapag nasa labas ng bahay. Inilabas ni Mayor ang Executive Order No. 185 series of 2020 na nag-uutos sa mga residente ng Baguio na maliban sa face mask ay kailangan ding magsuot ng face shield, kapag sumuway ay may nakaambang multa at kaparusahan.
Sari-sari ang naging reaksiyon ng mga tao ukol dito, marami ang tila hindi nagugustuhan ang kautusang ito, nagrereklamo na maliban sa dagdag gastos daw sa kanila ay pahirap pa dahil sa face mask ay nahihirapan na raw silang huminga idagdag pa ang face shield ay lalo pa. Sa karanasan ng ilan ay nagiging sagabal daw ito sa kanilang paggawa at paningin na minsan ay nagdudulot ng hindi maganda.
Sabi pa ng ilan na hindi naman daw ang face shield ang nakakapagtaboy ng sakit, bakit kailangan pa eh may face mask na nga? Tila sobra na ito. Patutsada pa ng ilan na kaya ipinilit ang pagsuot ng face mask ay dahil marami pa raw face shield ang hindi nabebenta kaya pumapabor sa mga negosyante ng face mask.
Subalit sa kabilang banda, hindi ba mas masaya ang pagdiriwang ng Pasko kung ligtas tayo at hindi mahawaan ng sakit na ito na mag-iisang taon nang nagpapahirap sa atin at sa buong mundo?
Dahil nga hindi maiiwasan ang paglabas ng bahay at sa panahon ng Kapaskuhan ay maraming mga okasyon, pagtitipon, aktibidad (na ipinagbabawal din) ay kailangang sigurado tayo na protektado tayo sa sakit na ito dahil walng nakakaalam kung nasaan sila, dahil sa lahat ng lugar ay nananatili sila kung saan marami ang tao.
Walang ligtas sa sakit na ito, bata o matanda, mayaman o mahirap, may katayuan man sa buhay o wala, opisyal man o karaniwan lahat ay maaaring mabiktima – kung hindi nag-iingat at hindi protektado.
Kaya sabihin man ng ilan na over-acting na ang pagsusuot ng face shield ay mas mabuti na ito kaysa magsisi sa huli dahil sa kakitiran ng isip at tigas ng ulo sa pagsunod sa maliit na kautusan na walang tanging hangad kundi ang kaligtasan ng lahat.
Hindi ba’t ang espiritu ng Pasko ay pagbibigayan at pagmamahalan? Ngunit paano natin ito matutupad ayon sa nais ni Hesus kung tayo ay maramot sa hindi pagsunod sa munting kautusan ng awtoridad gayundin paano natin maibabahagi ang pagmamahalan kung matigas naman ang ating puso sa pagtalima?
Naipapahaayag natin ang pagbibigayan at pagmamahalan kung tutugon tayo at maging responsable sa bawat isa sa pagsusuot ng parehong face mask at face shield sa labas ng bahay, dahil kung hindi tayo instrumento ng pagkahawa – mahawa man o manghawa ay natutupad antin ang tunay na diwa ng PASKO. Hindi ba’t mas masaysa ang pasko kapag ligtas tayo at walang Covid-19?

Amianan Balita Ngayon