Mas masaya kung kumpleto at sama-sama sa Bagong Taon

Editorial

Naging tradisyon na ng karamihan sa bawat paglipat ng pahina ng taon na salubungin ang Bagong Taon ng mga paputok at mga pailaw. At sa bawat panahon ay lumalakas at nagiging mapangahas na ang mga ginagawang paputok na nagiging sanhi ng maraming kaso ng pagkakasugat, pagkasira ng iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao, pagkalason at malala ay pagkamatay. Ang malaki at patuloy na lumalaking mga bilang ng kaso na may kaugnayan sa mga paputok ay taon-taong nagiging suliranin at pilit binibigyan ng tugon ng Department of Health at ng gobyerno.

Gumagastos ng malaki ang gobyerno upang maiparating at ipaintindi sa mga tao ang masamang dulot at perwisyong hatid ng mga paputok, subalit tila walang silbi ito dahil sa patuloy na pagkakaroon ng maraming kaso na may kaugnayan sa mga paputok.

Hindi naman maikakaila na malaking industriya saPilipinas ang paputok na maraming dekada na ring nananatili sa bansa. Isang dahilan marahil ito kaya hindi masawata ang pagkakaroon ng mga aksidente at insidente dulot ng mga paputok, maliban pa sa maraming tumatangkilik dito gaano man kamahal ang mga presyo.

Ngayon nga ay malaki ang pag-asa ng DOH at gobyerno na magkaroon ng “zero casualty” o mabawasan malaking porsiyento ang mga biktima sa pagsalubong ng Bagong Taon 2018 dahil sa mariin at matigas na paninindigan ng Pangulong Rodrigo Duterte nang maglabas siya ng isang executive order na ipinagbabawal na ang mga paputok sa buong bansa kahit pa maraming nasaktan at naapektuhang mga negosyante at mga taong dumedepende sa industriya ng paputok. Sa pinakahuling tala ng DOH bagama’t hindi nakamit ang “zero casualty” ay kaunti pa lamang ang mga kaso at umaasa ang mga opisyal na hindi na madagdagan ito pagsapit mismo ng selebrasyon ng pagsalubong ng BagongTaon.

Mukhang kailangan ng matigas na batas at mariing pagpapatupad nito upang maibsan na ang taunang problema ng DOH at gobyerno ukol sa mga kaso ng paputok at ngayon ay mapapatunayan natin kung gaano ka-epektibo ang mga programa at kampanaya laban sa mga paputok gayundin makikita natin kung gaano ang pagtugon ng mga tao sa pag-iwas sa mga paputok.

Noong una ay kuntento na at simpleng sinasalubong ng mga Pilipino ang Bagong Taon sa pamamagitan ng kanyon na kawayan, mga pampa-ingay gaya ng mga batya, lata, torotot at iba pang maisip na pampa-ingay.

Mas mabuti, mas masaya at mas masaganang salubungin natin ang Bagong Taon na kumpleto ang mga bahagi ng ating katawan at mas lalong maligaya kapag kumpleto at sama-sama ang bawat pamilya sa isa na naming Bagong Taon.                                            PMCJr.