Masayang weekend, handog ng Panagbenga sa pamilya Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Isang nakakalibang na weekend para sa mga bata at matatanda ang dulot ng Handog ng Panagbenga sa Pamilya Baguio noong Pebrero 12, 2017 sa Melvin Jones football grounds.
Ito ay bahagi pa rin ng isang buwang pagdiriwang ng Panagbenga 2017. Layunin nito na mapatibay ang pagsasama ng pamilyang Pilipino.
Pinangunahan nina Konsehal Mylene Yaranon, sa ngalan ni Mayor Mauricio Domogan, at University of the Cordilleras VP Leonarda Aguinalde, committee member ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI), ang ribbon cutting bilang hudyat ng pagbubukas ng programa.
Kabilang sa aktibidad ang Let a Thousand Flowers Bloom open-painting exhibition para sa mga bata at matatanda. Ang mga naipinta ay ipaparada sa grand street parade na gaganapin sa Pebrero 25, 2017.
Iba’t ibang aktibidad pa ang inihandog sa mga pamilyang nakilahok gaya ng libreng medical at dental mission, henna tattoo at face painting ng University of Baguio.
Nakisaya rin ang Jollibee na naghandog ng photo wall, toy fair at film showing na ikinatuwa ng mga bata.
Nagkaroon pa ng libreng gupit, pagpapakitang-gilas ng mga stiltwalkers at fire dancers at paligsahan sa kite flying ng siyam na kalahok na mula sa iba’t ibang probinsya.
Inaliw naman ng Saint Louis University CCA Dancetroupe at LHS band ang mga nanonood sa pamamagitan ng kanilang special performance.
Natapos ang programa sa isang fireworks display dakong ika-7 ng gabi. Liezel Callejo, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon