Maskless sa Disyembre 2021 inaasahan ng mga Pilipino, Matuloy kaya?

Tapik ni Tonying

Una sa lahat ay nais kong batiin ang aming mga tagasubaybay sa ating dyaryong Amianan Balita Ngayon dahil halos isang buwan akong hindi nakapagsulat ng aking kolum na Ok Ngarod dahil sa kumapit na sakit sa aking katawan na lubhang kailangan ng pahinga o bakasyon, ngunit Salamat sa Panginoong Diyos sa Langit at sa tamang reseta ng isang tamang doctor na may malasakit sa kanyang mga pasyente.

Nais ko ring pasalamatan si Doc Ritos ng Bamarva Polyclinic na siyang nag-asikaso sa akin upang muling gumaling at maiwasan ang nakaambang pagkasira ng aking katawan dahil sa sobrang dosage ng gamot na nainom.

Sa totoo lang napansin ko nitong mga nakaraang-araw lalo na pag weekend sa lunsod ng Baguio na tila parang normal na ulit ang takbo ng buhay sa dami ng mga turista na umaakyat, aba e mantakin mo Ka Pabling 3,000 ba naman ang i-allow ng city government na umakyat sa Baguio, idagdag mo pa ang mga sasakyan, hindi ba’t magkakaroon ng siksikan sa trapiko? Sa Burnham Park, puno ng mga tao malamang
mga turistang local, sa Manor Hotel sa Camp John Hay may nagbulong sa akin na fully booked sila, sana nga kako e lahat ng hotel ay fully booked para kumita naman silang lahat.

Pati mga taksi naglabasan na rin na dumagdag pa sa bigat ng trapiko sa loob ng Central Business District. Unti-unti ay bumabalik na ang takbo ng ekonomiya at mga negosyo sa local at maging sa Metro Manila at sa ibang lugar sa bansa, ito ay senyales na maari ng maging “normal” muli ang sitwasyon sa bansa at buhay ng bawat Pilipino.

Ayon sa naging pahayag ni Harry Roque, spokesperson ni Pangulong Rodrigo Duterte, kapag naabot na ang 70 percent na mga nabakunahan hanggang sa Disyembre maaring alisin na ang face shield at face mask sa Disyembre 25, 2021.

Sinabi rin ni Roque na sa mga pampublikong lugar ay maari ng tanggalin ang face shield, at face mask na lang ang gamitin maliban sa mga hospital at mga pribadong lugar na maaring magrequire sa pagsusuot ng face mask at face shield.

Tama lang naman, maging si Senate President Tito Sotto ay ipinaaalis na ang face shield at face mask na lang ang ipinagagamit, dahil sa totoo lang ito ay nagiging sagabal at nagdudulot pa ng sakuna sa ilang tao.

Ang malungkot dito, pag-aaralan pa raw ng IATF ngunit si Pangulong Duterte na ang nagmungkahi na alisin na ang face shield at kapag naabot na ang 70 percent ng total population na nabakunahan ay maari ng maging “maskless” ang bansang Pilipinas.

Ang tanong matutuloy kaya? E nagmamatigas pa ang ilang opisyal ng IATF na pagaaralan pa raw ang pagtanggal ng face shield. Kaya tila malabo pa ito mga kababayan unless magalit na si Digong sa IATF. Sa ngayon ay marami na rin sa lunsod ng Baguio ang nabakunahan at inaasahan na maabot ang 80 percent upang maideklara na rin na “safe” na ang Baguio City.

Ang pamunuan ng Amianan Balita Ngayon ay lubos na bumabati kay P/Col. Glenn Lonogan na naitalagang City Director ng Baguio City Police Office . Inaasahan natin na mas magkakaroon pa ng maayos na peace and order, maayos na daloy trapiko sa lunsod dahil si Col. Lonogan ay galing din sa Baguio City Police Office na ang ibig sabihin ay alam na niya ang pasikot-sikot ng Baguio City.