Matibay, tapat at matalinong desisyon kailangan sa gitna ng mga pagsubok

Ang pagtanggi ng Pamahalaang Lokal ng Sagada, Mountain Province na pumasok ang grupo ng isang kilala at premyadong director ng pelikula na si Joyce Bernal kasama ang popular at sikat na aktor na si Piolo Pascual sa kanilang bayan ay hindi dapat tingnan bilang isang pagsuway o pagwawalangbahala sa isang hiling ng mas nakatataas na liderato kundi isang tapat at mahusay na desisyon sa gitna ng pandemya ng COVID-19 na nagpapahirap sa buong bansa at mundo.
Ang pagpunta ng grupo ni Bernal sa Sagada ay upang mag-shoot ng footages na gagamtin sa nalalapit na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte at may bitbit pang liham awtoridad mula sa Malakanyang.
Ang pagbabawal sa pag-shoot ng grupo ni Direk Bernal ayon kay Mayor James Pooten ay ginawa para sa kapakanan ng kalusugan at kaligtasan ng kaniyang mamamayan sa gitna ng krisis sa pampublikong kalusugan kung saan aktibo pa rin ang banta ng COVID-19. Sinabi niyang walang anumang permit o awtorisasyon ang maaaring makapagpabago sa kaniyang desisyon na panatilihing sarado ang kanilang bayan sa mga turista at hindi makukuha sa palakasan dahil mas mahalaga ang kalusugan at kaligtasan ng kaniyang mga nasasakupan.
Ang Sagada ay tahanan ng pamosong “Hanging Coffins” na malaking atraksiyon sa turista at malaki rin ang ambag nito sa turismo at sa kabangyaman ng bayan. Ang pagpunta ng grupo ni Direk Bernal sa Sagada ay malaking pagkakataon sana na kahit paano’y magbigay ng malawak na “exposure” ng lugar, kasama pa ang aktor na si Piolo Pascual na isang “adopted son” ng Sagada.
Dahil sa hindi nakapasok ang grupo ni Bernal sa Sagada ay minabuti nilang sa Banaue, Ifugao na lamang ituloy ang shoot ngunit tinanggihan din sila ng bayang ito. Kalauna’y sa Baguio City na lamang isinagawa ang pagshoot kung saan mas maluwag ang mga health protocols.
Maluwag namang tinanggap ng grupo ni Bernal at ng Palasyo ang desisyon ng mga bayang ito na tanggihan ang pagpasok nila at nagpapatunay lamang ang insidenteng ito na higit na alam ng nasa mga lokal na pamahalaan ang sitwasyon sa kani-kanilang nasasakupan na kinakailangan ang matibay, tapat at matalinong desisyon kapalit ng “magandang pagkakataon” para sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.

Amianan Balita Ngayon