Matinding utos para sa mga pasaway at pabaya kailangan, ngunit hinay-hinay lamang

Editorial

Lumalabas na ba ang pambihirang klase ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte upang labanan ang pandemya ng coronavirus? Noong Abril 1, 2020 ay ipinahayag ni Duterte sa isang biglaang pambansang anunsiyo ang maikli at maliwanag na mensahe: Iniutos niya sa pulis at militar na kung may gulo o ang sitwasyon ay manganib ang buhay nila sa pagganap ng kanilang tungkulin ay barilin ang mga lumalabag sa quarantine sa gitna ng kaguluhan dahil sa COVID-19.

Kasunod nito ay may mga naibalitang mga matinding naparusahan at napatay na mga lumabag. Agad itong binatikos ng mga kritiko at human rights groups. Ayon sa mga kritiko na higit sa pagmamaltrato sa mga kamay ng mga awtoridad, ang mga pagaresto ay naging mabuti sa pagpapababa sa pagkalat ng coronavirus. Ang ikinabahala pang aspeto ng libo-libong pag-aresto ay itinatapon sila sa masisikip nang bilangguan at holding areas na lubos na nagtatanggal sa posibilidad ng social distancing.

Ang utos na ito ay noong nakaraang taon kung saan mula Marso 2, 2020 ay tatlo pa lamang ang naiulat na kumpirmadong kaso ng COVI-19 at sa pagpasok ng Abril 16, 2020 ay naitala ng DOH ang 5,660 kumpirmadong kaso. Mahigit isang taon ang lumipas ay nakapagtala na ang Pilipinas kabuuang mahigit 1.2 milyon na tinamaan ng sakit na patuloy pang nadadagdagan.

Ngayon, ilang araw lamang ang nakalipas ay muling iniutos ng Pangulo sa mga pulis at militar na hulihin at ikulong kung kinakailangan ang mga Barangay Captain na bigong ipatupad ang mga tuntunin laban sa mass gathering sa bansa. Ang utos niya ay bunsod ng pagkayamot niya sa sunod-sunod na insidente ng tuwirang paglabag sa quarantine at health protocols kung saan walang pakundangan ang maramihang pagtitipon ng mga residente, nagkakainan, nag-iinuman nagsasayaw at may iligal na tupada pa, na akala mo ay walang banta ng COVID-19.

Ayon sa Pangulo, ang mga Punong Barangay ay maaaring kasuhan ng pagpapabaya sa tungkulin o dereliction of duty dahil sa pagpapahintulot sa mga pagtitipon gaya ng piknik at parties na maaaring pagmulan ng paglaganap ng coronavirus.

Muli ang nangyayari sa Pilipinas sa tingin ng mga kritiko ay nagpapasariwa sa bagong mga pangamba ukol sa umuusbong na awtoritarianismo sa panahon ng pandemya ng COVID-19.

Nababahala sila ukol sa paggamit ng pangkagipitang hakbang (emergency measures) upang tugunan ang paglaganap ng coronavirus, nangangamba na ilang kapangyarihan ay banta sa demokrasya at mga saligang karapatan.

Ang “shoot-to-kill” na kautusan at pag-aresto ay hihikayatin lamang ang mas maraming extra judicial killing at vigilante na maaaring magbigay ng kawalang pananagutan (impunity) na gumawa na mas maraming paglabag sa karapatang pantao dahil sa proteksiyon ng batas habang nagiging pangkaraniwan na ang pagpaslang dahil na rin alam nila na nasa kanila ang suporta ng Pangulo.

Nakakalungkot isipin na sa kanila ng pagpupunyagi at paghihirap ng gobyerno na labanan ang pandemya ay marami pa rin ang pasaway. Bagot na nga sila sa higit isang taon na hindi nabubuhay ng normal nabuburyong na sila kaya kahit lumabag maisagawa lamang ang kagustuhan magsaya kahit pa andiyan lamang ang panganib ng hawaan ay wala silang pakialam.

Hindi kay napapagod na rin ang gobyerno sa kasasaway at paulit-ulit na pagpapa-alala sa mga mamamayan na sumunod sa health protocols? Lahat ay pagod na at bagot na rin. Minsan kailangan talaga ang kamay na bakal at matinding kastigo sa mga pasaway ngunit dapat hinay-hinay lamang at tiyakin na sa bawat kautusan ay natitiyak pa rin ang demokrasya at pagkilala sa mga karapatang pantao.

Higit sa pagiging mahigpit sa mga utos ay isabay na rin ng gobyerno na iuna ang mass testing, agresibong contact tracing, proteksiyon ng mga frontliners, suportang pang-ekonomiya para sa lahat at higit sa lahat mapadali na sanang mabakunahan ang mas marami pang Pilipino.