Sa isang pagdinig ng “Murang Pagkain Supercommittee” ng Mababang Kapulungan ng Kongreso nitong Martes (Dec. 10) ay tinukoy nito ang potensyal na sabwatan ng mga pangunahing nag-aangkat at mangangalakal ng bigas upang manipulahin ang mga presyo ng bigas sa kabila ng labis na suplay at pagbaba ng mga taripa sa pag-import sa ilalim ng Executive Order (EO) 62. Sa nasabing pagdinig ay iprinisinta ni Albay Rep. Joey Salceda, chairperson ng
nasabing committee ang inisyal na natuklasan ng mega panel na nagpakita ng mga espekulatibong gawain at potensyal na sabwatan sa sektor ng pag-aangkat ng bigas na nagtutulak sa pagtaas ng retail prices.
Tinutukan umano ng committee ang mga top importer dahil may mga maliwanag na senyales ng espekulasyon sa merkado ng pag-aangkat ng bigas, gaya ng paglaki ng mga komersyal na imbentaryo, pagkaantala sa pag-withdraw ng mga importer, at pag-import na lumalampas sa mga projection ng USDA (United States Department of Agriculture). Kinilala ng komite ang top 10 importers na kumokontrol sa 36 porsiyento ng kabuuang pag-import ng bigas, na tumutukoy sa makabuluhang konsentrasyon sa merkado. Ang mga nangungunang importer ng bigas ay kinilalang ang Bly Agri Venture Trading, Atara Marketing, Inc., Orison Free Enterprise, Inc., Macman Rice and Corn Trading, King B Company, Sodatrade Corp., Lucky Buy and Sell, Vitram Marketing, Inc., Nan Stu Agri Traders, at RBS Universal Grains Traders Corp.
Ayon sa natuklasan ng komite, ang RBS Universal Grains Traders Corp. at Sodatrade Corp. ay napansin para sa shared ownership structures na posibleng nagpapahintulot sa koordinadong diskarte sa pagprepresyo at mga anti-competitive na kasanayan. Sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang demand-supply ratio ay bumagsak mula
82.5 porsiyento noong 2023 sa 69 porsiyento ngayong 2024 na nagpapakita ng isang oversupply. May sobrang supply pala, kaya dapat bumaba ang presyo, pero bakit hindi bumababa? Ayon pa rin sa datos ng gobyerno, mayroon tayong imbentaryo sa bigas na umabot sa 2.5 million metric tons hanggang Nobyembre 1 na may 25 porsiyentong pagtaas taon-taon.
Gayunpaman, tumaas ang presyo ng domestic rice mula sa PhP51 kada kilo hanggang PhP55.30 kada kilo sa nakalipas na taon, kahit na bumaba ng PhP11 kada kilo ang landed price ng imported rice. Lubhang lumaki ang agwat sa pagitan ng landed at domestic prices mula PhP3 kada kilo noong 2023 hanggang PhP20 kada kilo nitong 2024, kaya mukhang may sabwatan talagang nangyayari. Napag-alaman ng mga mambabatas na ang mga importer at mangangalakal ay sama-samang kumikita ng tumataginting na PhP13 bilyon matapos bawasan ang mga taripa sap ag-import ng bigas mula 35 porsiyento hanggang 15 porsiyento sa ilalim ng EO 62. Sa halip na ipasa ang savings sa mga mamimili, iniimbak at itinatago ng grupo ang mga stock para artipisyal na magtaas ang presyo ng bigas.
Sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law noong Marso 2019 ay tiniyak noon ng gobyerno na hindi na magkakaroon ng smuggling ng mga pangunahing pagkain dahil bukas ang importasyon sa lahat. Ang mga preyo ng pagkain ay isang mahalagang bahagi ng kita ng mga mahihirap. Ang mataas na taripa at proteksiyon para sa maraming industriya ay hindi nagproprotekta sa mga industriya gaya ng madalas na inaangkin ng kanilang mga tagapagtaguyod. Sa halip ang proteksiyon ay nagsisilbing dahilan upang maging hindi gaanong mapagkumpitensiya at hindi gaanong makabagong-likha ang ating mga industriya. Dahil dito, napag-iiwanan sila ng ibang dayuhang produsyer ng nagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.
Gayundin, hinihikayat ng mataas na proteksiyon ng mga taripa ang mga smuggler. Nagbibigay ito sa kanila ng bala para sumuway at kurakutin lalo ang ating mahinang mga institusyon kung saan lalong pinapayaman ang mga
maling partido o grupo. Sa huli, nililimitahan ng pag-aangkat ng bigas ang produksiyon ng bigas sa ating bansa at nagbabanta sa seguridad sa pagkain. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay maaaring maiugnay sa pagiging atrasado ng agrikultura ng Pilipinas at kawalan ng suporta mula sa gobyerno para sa tunay na programa sa repormang agraryo sa bansa.
Marahil ang susi sa pagresolba sa talamak na krisis sa bigas at pagkamit ng seguridad sa pagkain ay ang pagpapatupad ng isang tunay na repormang agraryo na kinabibilangan ng pagbibigay ng mga serbisyong tunay na pangsuporta. Ang pagbibigay ng wastong atensiyon sa sektor ng agrikultura, mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa presyo ng bigas sa merkado, at pag-iwas sa liberalisasyon ng agrikultura ay magbibigay ng daan para sa mas malawak na lokal na produksiyon at pagsasakatuparan ng sapat, ligtas, at abot-kayang bigas. Nawa’y matuto na tayo sa mga aral ng nakaraan – ang pagpupuslit ng bigas, korupsyon, at proteksyonismo ay halos parehong bagay.
December 14, 2024
January 12, 2025
January 4, 2025
December 28, 2024
December 22, 2024
December 14, 2024