Matuwa, matawa at mainis

Opinion

Natutuwa, natatawa at naiinis ako sa nangyayaring patutsadahan at palitan ng akusasyon at batuhan ng batikos at puna sa pagitan ng dalawang pinakamataas na pinuno ng ating bansa.
Natutuwa ako dahil sa mismong pinakamatataas na mga pinuno nanggagaling at nagpapatunay na ang kalayaan sa pananalita at malayang pagpapahayag ng opinyon at palagay ay umiiral sa ating demokrasya.

Natatawa ako dahil nagmimistulang mga bata ang ating mga pinuno dahil sa kanilang girian sa publiko na hatid ng malayang media kung saan halos lahat ng Pilipino at tao sa buong mundo ay nababasa at napapanood ito.

Naiinis ako dahil sa halip na magtulungan at magkaisa sa laban kontra sa kasalukuyang krisis sa kalusugan at paghirap ng buhay at paghina ng ekonomiya ng bansa dulot ng COVID-19 ay nagagawa pang magbangayan sa harap ng publiko ang mga pinunong ito. Na sa bandang huli ay mga kawawang mamamayan ang tuwirang maapektuhan.

Ito ang hirap na dulot ng magka-ibayong partido politikal at politikal na paninidigan ang nahalal na Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa. Walang mabuting gawa ang isa sa paniningin ng isa at puro masamang tinapay ang nakikita. Batikos dito, puna doon at akusasyon sa lahat ng panahon. Sabagay kailan pa nagsama ng matiwasay ang langis at tubig, ang dilim at liwanag, ang masama at mabuti.

Ngunit sa kabilang banda ay maaari palang magsama ang mga ito, nagsasama sa mundo ng pulitika kung saan kapuwa nais mangibabaw sa maruming mundong ito na dinungisan ng pansariling interes at kahayukan sa kapangyarihan. Hindi ko masisisi si VP Leni dahil sa kabila ng matagal nang kalakaran na ang Pangalawang Pangulo ay mistulang palamuti lamang sa pulitikal na istruktura ay hindi pa siya nabigyan ng isang mahalagang papel o posisyon sa gobyerno upang makaganap.

Limitado ang kaniyang “exposure” ika nga, kaya marahil ang natitirang paraan na lamang upang mapansin at makita siya ng taong-bayan ay ang kumontra at bumatikos sa Pangulo at kasalukuyang gobyerno.

Dahil sa nalalapit na ang pambansang halalan sa 2022, bagama’t sinasabi ng ilan ay napakalayo pa subalit para sa mga politiko, ito ay napakalapit na at maikli na ang panahon na pinaikli pa ng pandemya. Kaya kailangan siguro na umpisahan na ni VP Leni at kaniyang mga kaalyado na mag-ingay at gumawa ng mga hakbang upang may mga balita at maging laman sa lahat ng medium.

Kailangan nilang magmadali dahil sila ang nasa minorya at tila walang nakikitang malakas na panlaban at mabangong kandidato para sa Panguluhan – kaya siya ba ang napipisil?

Samantala ay matuwa, matawa at mainis na lamang tayo sa mala-sarsuelang palabas ng pulitika, dahil nagkaroon tayo ng sensitibo at allergic sa kritisismo na Pangulo at isang kulang sa pansin na Pangalawang Pangulo. Ngunit pagkatapos ng malaking hamon ng COVID-19 sa ating buhay ngayon at magtagumpay tayo laban dito, sana ay magtagumpay din tayo sa 2022 kung saan iluluklok natin ang mas karapat-dapat na mamumuno sa bansang Pilipinas sa susunod na anim na taon – harinawa.