May ginhawa at katiwasayan sa pagbabalik-loob

Gumawa ang gobyerno ng isang mahalagang hakbang sa pagharap sa napakatagal ng mga isyu dulot ng 50 taong pamamayagpag ng Communist Party of the Philippines na pinalakas ng hukbong sandatahan nito, ang New People’s Army at political arm na National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Sa loob ng maraming dekada ay ipinaglalaban ng tinaguriang communist-terrorist groups (CTG) na ito ang isang konsepto ng Maoist sa gerilyang pakikidigma na
pangunahing layunin ay patalsikin ang gobyerno.
Sa paglipas ng mga taon ay nagkaroon ng mga bagong alyansa na may istratehiyang umaagapay sa pagbabago ng panahon kabilang na ang pagpapahiwatig sa politika at pagsulong sa multimedia at digital technology.
Ang ilang sinasabing organisasyon sa pag-unlad at mga organisasyon sa komunidad at mga umuusbong na mga lider na lumabas sa mga paaralan at lokal na komunidad, lahat ay naniniwala sa isang komunistang rebolusyon bilang paraan ng pagkamit ng pagbabago at pantay-pantay na ekonomiya, base sa isang doktrina na alam ang lahat, matalinong rehimen.
Ito ay isang pinalawig at pinalawak at tuloy-tuloy na pagpupunyagi upang maisulong ang kanilang layunin sa pamamagitan ng maramihang pagkilos, armadong pakikipaglaban, subersibong aksiyong political at pakikipagkaisa sa ilang banyagang organisasyon.
Noong 2002 ay idineklara ng Estados Unidos at EU ang CPP-NPA bilang isang foreign terrorist organization. Ayon sa Country Reports on Terrorism na inilathala ng US Department of State noong 2017, ang CPP-NPA ay “pangunahing target ang pwersang pang-seguridad ng Pilipinas, mga opisyal ng gobyerno, lokal na imprastruktura, at mga negosyo na tumangging magbayad ng extortion, o revolutionary taxes.”
Ayon pa sa ulat, may kasaysayan ang CPP-NPA sa pag-atake sa mga interes ng US sa Pilipinas at “ipinagpapatuloy ang pagpatay, paglusob, pagdukot, extortion, at iba pang anyo ng karahasan na pangunahing patungkol laban sa mga puwersa ng seguridad ng Pilipinas.” Noong 2017 ay nilagdaan ni Pangulong Duterte ang isang ehekutibong proklamasyon na idinedeklara ang CPP-NPA bilang isang teroristang organisasyon gamit ang Republic Act 10168 o ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 bilang basehan.
Noong Disyembre 2018 ay inilabas ni Pangulong Duterte ang Executive Order No.70 na nagtatatag sa isang “whole-of-nation approach in ending local communist armed conflict” sa pamamagitan ng paglikha sa isang national task force (NTF) na mangunguna sa pagtatag ng isang national peace framework. Bilang isang prinsipiyo ng estado at polisiya na mandato ng Konstitusyon ay dapat panatilihin ng gobyerno ang “kapayapaan at kaayusan, ang proteksiyon ng buhay, kalayaan, at pag-aati” at isulong ang pangkalahatang kapakanan.
Naniniwala ang gobyerno ni Duterte na ang whole-of-nation approach ay mahalaga para sa balangkas ng kapayapaan na magawa, epektibo at kapaki-pakinabang.
Sa mga unang hakbang ng gobyerno na ito ay nasa tamang daan ang bansa sa pagsupil at pagbibigay katapusan sa insurhensiya at pinakamahalaga ay ipakita sa mamamayang Pilipino at international community kung ano ang tunay na nangyayari sa ating komunidad at magkaroon sila ng lubos na kamalayan.
Inabot ng 50 taon upang gawin ang paunang hakbang na ito na isinama ang buong bansa habang itinuturing pa rin ng Hukbong Sandatahanng Pilipinas ang CPP-NPA-NDF na isang malakas na banta sa seguridad dahil sa kapasidad nito na mag-operate sa buong bansa at abilidad na makapasok sa gobyerno at pribadong institusyon, walang dudang nagpupunyagi sila upang mabuhay. Sa E.O. No. 70 ni Duterte ay determinado siyang kalusin sila.
Base sa mga ulat ng mga awtoridad at mga balita ay daan-daan na ang boluntaryong sumuko at sumusuko na mga rebelde at mga taga-suporta ng komunistang grupo sa buong bansa, ito ay bunga umano ng implementasyon ng Executive Order No. 70.
Ang mga sumukong rebelde ay ina-assess para sa kuwalipikasyon sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na nagbibigay tulong-pinansiyal at pagsasanay sa kabuhayan para sa mga dating rebelde. Sa ilalim ng E-CLIP ay binabayaran ang mga baril na isinusuko mula PhP12,500 para sa kalibre .22 hanggang sa PhP214,00 para sa isang Light M60 Machine Gun.
Binabatikos ng mga makakaliwang mga grupo ang NTF-ELCAC na isang notoryus na nagpalit-anyo na Anti-Terrorism Council at ang “whole-of-nation approach” ay isang ehemplo at pamamaraan na isang militarista at korap. Pinaratangan ang militar na gawa-gawa lamang ang mga pagsuko at nililinlang ang mga tagasuporta ng CPP-NPA-NDF sa mga pinansiyal na interes.
Maaalalang ang isang larawan na inilabas ng militar ng pagsuko ng ilang mga pinuno at miembro ng komunistang grupo kamakailan ay “ni-recycle” lamang na matagal ng nangyari ayon sa makakaliwang grupo na kalauna’y inamin ng militar.
Pangarap ng bawat isang Pilipino ang matiwasay, mapayapa at maayos na pamumuhay sa ilalim ng isang mapagkakatiwalaang lipunan at pamumuno. Nawa ang hakbang ng gobyerno ukol dito ay kasagutan na hindi lamang sa mga kababayan nating nagbalik-loob at magbabalik loob kundi sa pangkalahatan.

Amianan Balita Ngayon