May halaga pa ba ang ‘Palabra de Honor’?

Opinion

Noong unang panahon, ang sukatan sa isang tunay na lalaki ay ang pagiging matapang, malakas at may paninindigan. Ngunit maliban sa mga pisikal na katangiang ito na dapat taglayin ng isang tunay na lalaki ay kailangang may “palabra de honor” o isang salita ito na napakasagrado at lubos na kinikilala at sinusunod noong unang panahon. Ang ‘palabra de honor’ ay inilalagay din sa mga kasunduan at mga pangako – na tinatawag na maginoong kasunduan o
usapang lalaki at sa ingles ay tinatawag na “gentleman’s agreement”.

Ang ibigsabihin ng Palabra de Honor ay isang taong may isang salita,isang taong marunong tumupad sa usapan, isang taong may paninindigan na lahat ng kanyang sinabi ay talagang tutuparin niya. Sa pangkalahatan ay hindi tayo masyadong nasanay sa paglagda sa mga kontrata, ang palabra de honor o salita ng dangal ay kalimitang sapat na para sa isang tapat na tao.

Maging hindi naman maiisip ng isang tapat na tao na magtaksil sa iba dahil hindi niya alam kung paano o dahil sa hindi niya kaya, ang kaniyang tapat na salita ay sagrado para sa kaniya. Bilang mga nasa pampublikong opisina, lalo na ang mga nahalal na mga opisyal – kinakailangan ang pagkakaroon ng palabra de honor.

Sa ibang mga bansa, ang mga “napahiyang” opisyal ng gobyerno ay may sapat na pagkadisente na magbitiw sa kanilang posisyon o opisina o kahit pansamantalang mawala para bigyandaan ang wastong imbestigasyon at ipagpatuloy ito.

Ang ilan nga ay nagpapakamatay pa, maisalba lang ang dignidad, sa Japan karaniwan na ang ‘harakiri’. Ang isa sa hindi malilimutang pagpapakamatay dahil sa kahihiyan ay nang magbaril si dating AFP Chief at Defense Secretary Angelo Reyes sa gitna ng mga akusasyon ng korapsiyon at pagkulimbat ng malaking halaga ng pera mula sa mga pondo ng gobyerno. Nagbaril siya sa mismong harap ng puntod ng kaniyang asawa.

Ang naging kasunduan nina House Speaker Allan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco na maghahati sa pagka- Speaker ng Kamara o “Term Sharing” ay nilagdaan nila mismo sa Palasyo sa harap ni Pangulong Duterte.

Napagkasunduan nilang hanggang sa Oktubre 14 na lang uupo bilang Speaker si Cayetano at papalit na si Velasco hanggang sa 2022. Subalit lumilitaw na tila ayaw nang pakawalan ni Cayetano ang panguluhan ng Kamara at nabuyo pa ang karamihan sa mga kongresista na kailangan pa rin siya bilang Speaker dahil maraming trabaho pa na dapat tapusin lalo na ang deliberasyon at pagpasa ng 2021 National Budget na maaaring madiskaril kung si Velasco na ang uupo.

Nag-alok pa si Cayetano na magbibitiw dalawang linggo bago ang nakatakdang Oktubre 14 na usapang pagbaba niya. Nagkaroon ng mosyon na ibasura o tanggapin ang alok niyang pagbibitiw at nagbotohan ng biglaan sa mababang kapulungan – nanalo ang pagbasura ibig sabihin hindi nila tinatanggap ang pagbibitiw ni Cayetano, 184 kontra sa 1.

Ito ay tila isang mala-teatrong hakbang upang ipakita ang nag-uumapaw na suporta ni Cayetano ng mga Kongresista. Nangyari ito sa kabila ng muling pag-uusap ng dalawang magkatunggali sa harap ng Pangulo na tila hindi na naman nasunod ang ibig ng Pangulo na sundin na lamang ang “Term Sharing” kaya umayaw nang makialam pa ang Palasyo sa gusot ng dalawa.

Sa unang kasunduan ay napakasimple lamang, maghahati si Cayetano at Velasco sa pagiging Speaker walang mga probisyon o iba pang detalye. Bakit kung kailan malapit na ang hatian ay biglang nagbago ang ihip ng hangin at parang ginawa pang kumplikado ni Cayetano ang kasunduan na isinangkalang pa ang kahahantungan ng budget sa 2021?

Bakit tila hindi na rin nirerespeto ng karamihan ng kongresista ang maginoo at lalaking usapan ng dalawa na sa una pa lamang ay pinahintulutan naman nila? Wala na bang maginoo at tunay na mga lalaki sa House of Representatives at lumalabas na sariling kapakanan ang nagingibabaw?

Bakit hindi pagbigyan si Velasco na maupo at patunayan na karapat-dapat siya sa puwesto at maipagpapatuloy ang magandang (kung maganda nga) takbo ng trabaho sa Kamara?

Tunay na ang Palabra de Honor o salita ng dangal ay kasing-halaga ng katapatan at integridad – mga katangian na marami sa ating pinagpipitaganang halal na mga opisyal ay kulang o wala.