MAY HANGGANAN DIN KATIWALIAN

Noong nakaraang buwan ay ipinila ni Mayor Benjamin Magalong ang unang kaso ng graft and corrupt practices laban sa mga opisyal ng Baguio City District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (BCDEO-DPWH) sa Ombudsman at nitong Agosto 5 ay muling nagpila ito ng isa pang kaso ng katiwalian laban sa mga opisyal at contractors ng BCDEO dahil sa diumano’y mga iregularidad sa konstruksiyon ng isang secondary school building sa lungsod ng Baguio sa opisina ng City Prosecutor bilang paghahanda para sa pagpila sa Office of the Ombudsman. Samantala, noong Hulyo 20 ay nagsampa ang Baguio City Police Office ng malversation complaint laban sa limang empleyado ng City Treasurer’s Office matapos umanong “ibulsa” nila ang karamihan sa “kwartais” (arrival fees) na ibinabayad bawat araw ng mga mangangalakal na nagdedeliver ng karne, isda, manok, at mga gulay na ibinebenta sa Baguio City Public Market.

Ang mga bayarin ay kinokolekta para sa pagdidiskarga at pagdedeliver ng mga paninda na ibinebenta sa palengke. Kasunod nito ay may anim pa ang idinagdag sa kaso at pinaghihinalaan ang nasa 20 o mas marami pang katao ang sangkot sa isang grupo mula sa treasurer’s office na nandaraya sa pamahalaang lungsod ng hanggang PhP50 milyon sa kita ng palengke. Nag-ugat ang kaso mula sa mga resulta ng imbestigasyon na pinasimulan ng mayor sa diumano’y sabwatan na kinasasangkutan ng mga revenue collectors at supervisors upang makapagnakaw mula sa mga market fees na nakokolekta, gaya ng “kwartais” (arrival fees) mula sa mga mangangalakal upang makapagbenta sila na itinatadhana sa ilalim ng Tax Code ng lungsod.

Napaulat na ilang collector ay naniningil ng hanggang PhP6,000 bayad habang inirerecord ay PhP70 lamang. Marami pang bagong resibo ang isinusumite ng mga vendor kay Mayor Magalong ang magbubunyag ng mga “ghost transactions” at mga official receipts na ilang ulit na na-isyu sa pagtatangkang itago ang mga pagnanakaw. Inihayag ng imbestigayon na minanipula ng mga empleyadong ito ang mga halaga na nakalagay sa duplicate at triplicate copies ng mga resibo na isinusumite sa city treasury upang maipakitang nakakolekta sila ng mas mababang mga bayarin kaysa sa aktuwal na halagang nakolekta na nakalagay sa orihinal na official receipt, ang sobrang mga halaga ay hindi nireremit sa kaban ng lungsod. Bilang resulta ng imbestigasyon ay pitong personnel ng market division sa ilalim ng City Treasury Office ang nakasuhan na ng malversation through falsification of public documents at falsification.

Inaasahan ni Mayor Magalong na mas maraming kaso pa ang maisasampa sa isinasagawang imbestigasyon na inilarawan bilang isang matagal-ng-panahong sindikatong korupsiyon na sangkot ang mga market collector at negosyante tungo sa pangungurakot ng mga pondong pampubliko. Nitong Agosto 5 ay ipinila naman ni Mayor Magalong ang 18-pahinang reklamo sa office of the City Prosecutor laban sa limang engineer, isang accountant, at isang private contractor na paghahanda sa pagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman. Linabag daw ng mga akusado ang Section 3 ng Paragraphs E, F, at G ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Inakusahan sila ng grave misconduct, grave abuse of authority, gross neglect of duty, gross dereliction of duty, conduct unbecoming of a public officer, at conduct prejudicial to the best interest of the service sa ilalim ng
Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Ibinase ni Magalong ang kaniyang reklamo mula sa mga ulat ng inspectorate team ng City Buildings and Architectures Office na may petsang May 8, 2018 na naghudyat ng mga alalahanin sa aspetong architectural, structural, electrical, at sanitary ng gusali. Ang pagpila at pagsampa ng mga kaso laban sa isang ahensiya ng gobyerno at mga empleyado ay nagpapakita na seryoso ang gobyerno ng lungsod sa paglaban sa katiwalian at korupsiyon. Napakatagal ng panahon na maraming alingasngas ng katiwalian, korupsiyon, pandaraya at pagnanakaw sa mga ahensiya ng gobyerno – lokal man o pambansa.

Subalit iilan lamang ang mga napaparusahan, at karamihan ay napapawalang-sala, malungkot pa ay nawawala na lamang parang bula ang mga kaso sa hindi maipaliwanag na dahilan sa pag-usad ng panahon. Tama ka Mayor, maaaring sa loob ng sampung taon ay nangyayarina ito sa lungsod, ngunit sa katotohanan ay baka mas matagal pa ang mga sabwatan. Marami na ang nakinabang at nakikinabang pa rin sa masamang gawaing ito, mga retirado na at kasalukuyan pang empleyado. Kung tunay at desididong linisin ang hanay ng pampublikong serbisyo ay kailangang may maihatid na sa dapat kalagyan upang maging mabisa at matapang na babala sa mga nagbabalak pang mandaya sa kaban ng lungsod na dapat sana’y nagagamit sa karapat-dapat at lehitimong pangangailangan ng mga residente
ng lungsod. Bilang tinaguriang “basurero” ng lungsod, Mayor, sampulan mo na sila.

Amianan Balita Ngayon