“May kababalaghan ba sa planong polymer banknotes?”

Napapabalita ngayon ang plano ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) na gamitin ang polymer o plastic sa ating pera mula sa dating abaca-cotton simula 2022. Tila minamadali ang pagapruba nito bago magpalit ng nasyunal na pamunuan.

Ayon sa Pinoy Aksyon for Governance and Environment na nananawagan sa Senado upang imbestigahan ito, lumalabas na mas mahal ang polymer kaysa sa dating raw material sa paggawa ng pera.

Mula sa abaca na $88 kada 1,000 pirasong de-papel na pera, magiging $185 kung polymer. Samakatuwid, mas malaking gastos na naman
mula sa kaban ng bayan!

Lubos na naniniwala ang Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFida) na maapektuhan ang kabuhayan ng may 200,000 magsasaka sa planong ito ng BSP.

Wala ring matibay na katunayang mas maliit ang tyansang kakapit ang virus sa polymer kumpara sa paper banknote.

Ang polymer ay mas mapanganib sa kalikasan kumpara sa papel, ayon sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa sa kalikasan. Mahilig ang Pilipinong itupi ang pera. Ngunit pag itinupi ang polymer na pera, nasisira ang security features nito. Kaya’t hindi malayo na mas dadami pa ang basura, hindi ba?

Mahalaga na suriin natin ang usapin sa pamamagitan ng “cost-benefit analysis”.

Dapat ay lumabas na mas maraming bentahe ito upang karapat-dapat na buhusan ng pondo dahil mas maraming bentahe sa higit na nakararami.

Mainam na nakikipagsabayan tayo sa mga pagbabago sa teknolohiya at seguridad. Ngunit katulad ng ibang progresibong bansang gumamit na ng polymer na nagsagawa ng 10 taong pagaaral, sana ay gayun din ang tinahak o tinatahak ng BSP.

Huwag sana madaliin upang mapatunayang walang kababalaghan sa planong ito at upang matiyak na ang pagpalit sa banknotes ay isang prayoridad dahil makakabuti ito sa interes ng publiko.

Amianan Balita Ngayon