May mga batas tayo laban sa smuggling, anong nangyari?

Editorial

Nitong Agosto ay inalerto na ng mga magsasaka ng Benguet ang Department of Agriculture (DA) tungkol sa inaangkat na mga gulay at ibinebenta sa Divisoria public market sa Manila at nakakuha ang mga grupo ng magsasaka ng sariwang ebidensiya na bumabaha na ang puslit na mga carrots sa mga pamilihan ng bansa na ikinapipinsala ng mga magsasaka ng Benguet.

Ngayong buwan ng Setyembre ay may mas maraming banyagang carrots partikular ang galing sa China ang nakita sa mga pangunahing merkado sa bansa. Di hamak na mas malalaki at makikinis ang mga ito kumpara sa ani ng Benguet, lubha ding mas mura ang presyo ng mga ito, gayunman ay mas madali namang masira o mabulok ito. May ibang gulay na rin gaya ng repolyo, sibuyas, broccoli at iba pa ang ipinuslit sa bansa.

Noong taong 2016 ay nasa 26 porsiyento ng mga manggagawang Pilipino o halos 11 milyon tao ang nasa agrikultura, ngunit halos 7.3 porsiyento lamang ng gross domestic product (GDP) ang ambag. Nananatiling mahirap ang mga magsasaka sa bansa dahil sa kulang na pagganap ng sektor ng agrikultura. Isang pangunahing hadlang na natukoy ay ang kaugalian ng “smuggling” o pagpuspuslit.

Binigyan kahulugan ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang smuggling bilang gawaing pandaraya sa pag-angkat ng anumang produkto sa Pilipinas, o ang gawang tumutulong sa pagtanggap, pagtatago, pagbili, pagbenta, pagdispatsa o paghakot at pagbibiyahe ng nasabing mga produkto, na may lubos na kaalaman na ang mga ito ay inangkat na may pandaraya, o ang madayang pag-export ng mga produkto.

Ang mga produktong nasa ilalim ng depenisyon na ito ay kikilalanin bilang smuggled goods o puslit na mga produkto na humahadlang sa paglago ng sektor ng agrikultura gayundin ang kabuuang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Dahil sa mas mura ang mga inangkat na mga produkto na isang pangunahing pinsala sa agrikultura na nagreresulta sa malaking pagkalugi ng gobyerno.

Ang pagkalugi sa dapat sana’y kita ng gobyerno ay ipinakakait sa gobyerno ang pagmumulan sana ng pagpondo sa mga pampublikong serbisyo gaya ng imprastruktura, edukasyon, at iba pang mahalagang bagay para sa publiko.

Noong Mayo 2016 ay isinabatas ang Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act na nagdedeklara ng malawakang pagpupuslit ng produktong agrikultura bilang pangekonomiyang sabotahe. Layon nitong pasiglahin ang produksiyon sa sektor ng agrikultura at protektahan ang mga magsasakang Pilipino at mga negosyong agrikultural mula sa mga iligal na negosyante at importers.

Isinabatas din sa parehong taon ang Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na nag-amiyenda sa Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP) upang isa-moderno ang mga alituntunin at pamamaraan para sa mas mabilis na kalakalan, pahusayin ang serbisyo ng Adwana, paghahatid at supply chain at bawasan ang oportunidad para sa korapsiyon.

Ang smuggling ay nakikita na isang pangunahing isyu sa agrikultura ng Pilipinas na pumipigil sa paglago ng sektor. Nagreresulta ito sa pang ekonomiyang sabotahe dahil sa hindi nakolektang buwis at kita ng gobyerno, pinipilipit ang mga presyo ng paninda na nakakaapekto sa mga magsasaka, at maaaring maging sanhi ng pagpasok ng mga sakit sa produktong agricultural at hayop na nakakaapekto sa suplay ng pagkain at kalusugan ng tao.

Upang tugunan ang mga isyung dulot ng smuggling ay nilikha ng Bureau of Customs na siyang pangunahing ahensiya na magproprotekta sa bansa mula sa smuggling at pandaraya sa adwana ang antismuggling task force. Sinuportahan ito ng mga inisyatibo ng mga ahensiya gaya ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Compliance and Regulatory Enforcement for Security and Trade Office at ng Federation of Philippine Industries sa pamamagitan ng Anti-Smuggling Committee.

Ang pagsasabatas ng Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 (RA10845) at ang Customs Modernization and Tariff Act (RA10863) ay nagpatatag daw sa paglaban ng bansa kontra smuggling.

May mga batas at task force na pala tayo na panlaban sa smuggling, pero bakit nalulusutan pa rin tayo? Inamin ng Bureau of Customs na nalusutan sila. Hindi rin naamoy ng DA ang pagpuslit, iimbestigahan daw ng DA ang isyu, may kaparehong pag-iimbestiga rin daw ang Kamara de Representantes.

Ano na ang nangyari sa layunin ng BOC Strategic Transformation Plan para sa raong 2017-2021? Kumpleto na tayo sa batas, may mga ahensiya namang magpapatupad ng mga batas. Nasaan kaya ang problema? May isinawalat pa ang isang grupo ng mga magsasaka na may makapangyarihang tao daw na nagsisilbing “protector” ng mga nagpupuslit. Bakit kaya hindi sa kaniya simulan ang imbestigasyon at huwag pag-initan ang mga retailers at maliliit na nagtitinda sa pagkumpiska sa mga paninda nila?

Hindi natin maipipilit sa mga mamimili na huwag bilhin ang mga puslit na gulay, dahil sa kahirapan at kawalan ng pagkakakitaan dulot ng kasalukuyang pandemya ng Covid-19 ay mas nanaisin na nila ang mas mura.