Mayor walang balak tanggalin ang liquor ban sa lungsod

LUNGSOD NG BAGUIO – Walang balak ang lokal na gobyerno na tanggalin ang umiiral na liquor ban sa lungsod sa gitna ng panawagan ng ilang residente na alisin na ito sa lalong madaling panahon.

Inamin ni Mayor Benjamin Magalong na nakakatanggap siya ng ilang tawag mula sa mga concerned citizens para sa posibleng pagtanggal ng umiiral na liquor ban ngunit wala siyang balak na pagbigyan ang nasabing kahilingan dahil mabisang nakatulong nga pagbabawal sa pagpupursige ng lokal na pamahalaan upang mapababa ang hindi kinakailangang pagtitipon sa mga barangay na maaaring maging daan sa transmisyon ng coronavirus disease (COVID-19).

Dagdag pa niya na ang desisyon ng lokal na gobyerno na ipatupad ang liquor ban sa buong lungsod ay resulta ng mga panawagan mula sa concernec sectors sa lungsod upang mahadlangan ang pagtitipon ng maliliit na grupo sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod at masigurado na karamihan ng mga residente ay susunod sa umiiral na polisiya na manatili sila sa loob ng bahay at ang alak ay hindi kasama sa mahalagang produkto na ibinebenta sa iba’t-ibang establisimiyento.

Sinabi ng mayor na wala pang desisyon kung kalian tatanggalin ang liquor ban sa kabila ng pagtatapos ng extended enhanced community quarantine (ECQ) na estado ng lungsod na mapapababa sa general community quarantine (GCQ) sa Mayo 15, 2020.

Nauna dito ay nagpasa ang konseho ng lungsod ng isang resolusyon para sa agarang pagpapatupad ng liquor ban sa lungsod kasunod ng mga obserbasyon mula sa concerned residents sa presensiya ng walang-halagang inuman sa sarisari stores sa mga barangay na nagsisilbing daan para sa posibleng transmisyon ng nakamamatay na virus.

Kasunod nito ay nag-isyu ng kautusan si Magalong para sa pagpapatupad ng liquor ban sa buong lungsod hanggang sa matanggal ito dahil sa posibleng banta ng pagkalat ng sakit sa lungsod.

Ayon sa kaniya, kailangang maintindihan ng publiko na ang pagpapatupad ng liquor ban ay bahagi ng rekomendadong precautionary measures upang mahadlangan ang mabilis na pagkalat ng virus sa komunidad dahil ang nakasalalay ay ang kalusugan at kaligtasan nila at ang mahalaga ay tumugon ang tao sa panawagan mula sa mga eksperto na manatili sa bahay habang wla pang katiyakan ang sitwasyon.

Sinabi niya na ang operasyon ng mga establisimiyento ng alak at mga nagsisilbi ng alak ay isa sa huling prayoridad ng lokal na gobyerno kunga mapapababa ang estado ng lungsod sa GCQ dahil ito ay hindi kasama sa mahalagang produkto.

Nanawagan si Mayor Magalong sa publiko na intindihin angf kaniyang desisyon na huwag tanggalin ang umiiral na liquor ban dahil ito ay sa ikabubuti ng mga residente at hindi ikokompromiso ng lungsod ang kalusugan at kaligtasan ng mga residente sa panahon ng paglaganap ng pandaigdigang pandemya.

DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon