MC ng LTFRB sa Karagdagang Taxi Franchises sa Baguio hiniling na bawiin

LUNGSOD NG BAGUIO – Hinihiling ng Baguio City legal office sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ikonsidera ang pagrerenew ng mga napasong prangkisa na alinsunod lamang sa modernisasyon at pagpapahusay ng serbisyo.
Sinabi ni Baguio City Legal Officer-in-charge Atty. Richard Dayag na ni mga konsultasyon o aktuwal na pag-aaral man ang isinagawa bago ang pag-isyu ng LTFRB Memorandum Circular No. 2019-016 upang determinahin ang pangangailangan sa pagdaragdag ng bilang ng taxi units sa Baguio at La Trinidad.
Sinabi ni Dayag na walang nakita ang City Transportation and Traffic Management Division na statistical data, nailathala man o di-nailathala, tungkol sa isang puwang sa pagitan ng kasalukuyang bilang ng taxi units at aktuwal na pangangailangan sa Baguio at La Trinidad.
Ang nasabing memorandum circular ng LTFRB ay nakagiya sa pagbubukas ng karagdagang taxi franchises sa Baguio City at La Trinidad, Benguet noong nakaraang taon.
Layon ng transportation board na tumanggap ng karagdagang 200 taxi franchises upang palitan ang “expired and abandoned franchises”.
Noong Oktubre 2020, inihayag ng Baguio City Council ang pagtutol nito sa memorandum ng LTFRB na sinabing daragdag lang daw ito sa problema sa trapiko ng lungsod.
Sinabi ng konseho na ang kasalukuyang bilang ng mahigit 3,220 aktibong taxi franchises ay sapat na upang tugunan ang pangangailangan ng mga mananakay. Inihayag din ni Mayor Benjamin Magalong ang kaniyang maigting na pagtutol sa memorandum circular.
Sinabi ni Dayag na halimbawang may pangangailangan nga mula sa mananakay na publiko para sa karagdagang units, nananatili ang katotohanan na ang mga kalye sa Baguio ay narrating na ang carrying capacity na ipinapakita ng mga pag-aaral. Binigyang-diin niya na ang allowance para sa pagdaragdag ng mga bilang ng taxi ay makakasama sa lungsod na siguradong makakadagdag sa paninikip ng trapiko na nararanasan na ng mga tao sa Baguio.
“Priority of consideration should be given to the findings and determination of the LGU to give fullest and genuine meaning to its autonomy,” dagdag ni Dayag.
Inulit niya na dapat bawiin ang memorandum ng LTFRB.
(AAD/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon