“ME POGO NA SA BAGUIO CITY?”

Hindi halimuyak ng bulaklak mula sa katatapos na Baguio Flower Festival o Panagbenga ang naaamoy ngayon sa Baguio City, kundi lumalakas na usok mula sa naguumpisang lagablab ng napipintong full operation ng sugalang POGO-style. Mula sa pamamayagpag ng “casino junkets” sa Baguio City at Cordillera Autonomous Region (CAR) ng mga nakaraan, hindi na lamang solicitation ng mga facilitators ng “players clubs” na nangeengganyo ng investments na tutubo ng buwanang limang porsiyento ang pang-i-scam nila, kundi mismong sa “headquarters” na nila ino-ooperate ng POGO.

Labas-pasok rin ang ilang dayuhang Instik sa lugar ng POGO sa tabing ng “bilang turista” hindi
bilang manlalaro o investor kaya’t hindi pansinin na may kalokohang nangyayari at ginagawa.
Naghihintay na lamang kaya ng magandang panahon o nangangalap pa ng karagdagang ebidensya ang mga otoridad upang i-raid ang naturang POGO operations? Hindi pa ba nababatid ng higit na nakararaming mamamayan ng Baguio City ang operasyon ng POGOng nababanggit, na napakalapit
lamang sa dalawang malalaking Unibersidad, Baguio Cathedral, mga simbahan at iba pang
pribadong paaralan?

Hindi rin naman kalayuan sa mga opisina ng mga ahensya ng gobyernong inatasang mangalaga sa kaayusan, kagalingan at kapakanan ng mamamayan ang lugar ng POGO na tabi lamang ng kalsadang dinadaan-daanan ng karamihan. Ngunit sa kabilang banda, nananatili pa kayang hindi
katanggap-tanggap sa mga mamamayan ng Baguio City ang casino at kahalintulad na mga pasugalan? O nagbago na itong tinatawag na ‘Baguio psyche’?

Maliban sa isyung ‘moralidad ng mamamayan’ ng Baguio City, ganyan ba katuso ang mga POGO operator sa pagsuway sa pamamahala ni Mayor Benjamin Magalong upang basta na lamang magpaPOGO ng walang legal na basbas ng barangay at city hall, maski business permit man lamang? Dilat pa ba o namanhid na ang mamamayan ng Baguio City upang pag-ukulan ng panahon ang isyu?

Amianan Balita Ngayon